PINAPURIHAN ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang PNP-National Capital Regional Police Office na pinamumunuan ni MGen Vicente Danao, sa pagkakaaresto sa lider ng kilabot na gunrunning syndicate at mga kasabwat nito sa Quezon City.
Base sa impormasyon mula sa PNP-NCRPO, naaresto ng kanilang mga operatiba si Luis Espenilla Anabi, 40, sinasabing pinuno ng Espenilla gun running syndicate, sa ikinasang entrapment operation sa Novaliches.
Bukod kay Espenilla, nadakip din ang iba pa niyang mga kasabwat na sina Rona Castañeda, 38, at Edmundo Salido, 45-anyos.
Ayon kay P/Gen. Eleazar, “This successful operation by the NCRPO Regional Special Operations Group-Regional Intelligence Division has shut down the operation of the syndicate which has been supplying loose high-powered firearms to criminal groups and even some politicians in Central Luzon and in Metro Manila”.
Nabatid na inatasan ni MGen. Danao ang kanyang mga tauhan na magkasa ng follow-up investigation sa operasyon ng grupo upang
mahuli at mapanagot ang nalalabi pang miyembro nito.
Nilinaw ni P/Gen. Eleazar na kailangan nilang matukoy kung sino ang pinagkukunan ng mga ilegal na armas ng grupo gayundin kung sino ang kanilang mga parokyano.
Aniya, “Mahalagang matukoy ng mga imbestigador ng NCRPO kung sino ang mga parokyano nitong sindikato at kung saan nanggagaling ang mga baril na kanilang ibinebenta”. (JESSE KABEL)
