PAGLALAGAY NG HEALTH FACILITIES SA TOURISM DESTINATIONS, PINATITIYAK SA DOT

HINIMOK ni Sen. Grace Poe ang Department of Tourism na tiyaking may health facilities na nakatutugon sa standards sa mga tourist destination upang maging kumpyansa ang mga tao sa kanilang kaligtasan sa pagbiyahe.

“In all areas in our country, ideally, there should really be basic health facilities that can address the needs of the people. We’ve heard stories of tourists going to certain areas where the local health center is not equipped to treat certain emergency situations,” pahayag ni Poe sa hearing ng Senate committee on tourism nitong Martes.

Bago ang health crisis, nasa P2.5 trillion ang kontribusyon ng tourism industry sa ekonomiya noong 2019. Dahil sa pandemya at pagsasara ng mga resorts at hotels bukod pa sa travel restrictions nabawasan ng 61 percent o bumaba sa P973.3 billion ang kontribusyon nito sa pagtatapos ng 2020.

“Ang sektor ng turismo ang isa sa haligi ng ekonomiya bago ang pandemya. Sa pagdami ng mga nababakunahan kontra COVID 19, inaasahan natin ang mas maluwag na domestic travel na bubuhay sa mga lalawigan para sa kanilang economic recovery,” paliwanag ni Poe.

Batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, gumastos ang mga Pinoy ng P3.14 trillion noong 2019 sa pagbisita sa mga local destinations subalit bumaba sa P556.89 billion noong isang taon dahil pagsasara ng maraming tourist destinations.

Sa pinakahuling datos mula sa Department of Health, umaabot na sa 26.7 milyong indibidwal ang nabigyan ng first dose ng bakuna kontra COVID 19 habang 23 milyon ang fully vaccinated.

“Dahil sa new normal, kinakailangang bumalangkas ang gobyerno ng pandemic health protocols sa lahat ng aspeto ng ekonomiya sa mga susunod na taon at ang health facilities ay mahalagang bahagi ng turismo ngayon higit kailanman,” dagdag ni Poe.

Una nang inihain ni Poe ang Senate Bill No. 2321 na nagsusulong ng pag-amyenda sa “COVID-19 Vaccination Program Act” o Republic Act 11525 upang maisama ang international at domestic travel, ang mas maluwag na access sa business establishments at public places upang mapalakas na ang ekonomiya. (DANG SAMSON-GARCIA)

102

Related posts

Leave a Comment