ONSEHAN SA KASUNDUAN

HINDI na bago ang onsehan sa kultura ng mga Pilipino. Ang nakapagtataka lang ay ­marami pa rin ang pumapatol sa mala-jackpot na pangako ng mga manloloko.

Ang siste, hindi lang sa lansangan uso ang onsehan. Maging sa hanay ng mga negosyante at kasapakat na tiwali sa pamahalaan, ang kulturang ganito’y lantaran.

Katunayan, lima sa anim na kumpanyang pinangakuan, tulala sa laki ng kanilang isinugal na yaman sa hangaring mabahagian man lang sa kontratang pamamahagi ng ayuda sa bayan.

Heto ang kwento niyan – lima sa anim na electronic money remittance companies para sa pamamahagi ng P50 bilyon pondong ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nakultab ng P2.4 bilyong SOP sa paniniwalang makaka-amot ng kontrata sa ­gobyerno.

Nang makuha ang SOP, biglang deadma lang sa kanilang pangungulit kaugnay ng lihim na kasunduan.

Tama! Isa lang sa anim na tinanggapan ng tinatawag na SOP ang pinagpala. Dangan naman kasi, 2019 pa nang ito’y namuhunan sa kandidatura para senador ng isang malapit sa hukluban.

Sa tala mismo ng Commission on Audit (COA), 70% ng P50-bilyong pondong inilaan bilang ayuda nitong unang bahagi ng taon ang nakorner ng Starpay. Malayo ito sa kasunduang pondo lang para sa 1.6 milyong benepisyaryo ang kanilang pangangasiwaan.

Kung pagbabasehan ang pag-amin ng isa sa anim na nadorobo, mas piniling paboran ng pamahalaan ang Starpay dahil umano sa ­pakiusap ng isang senador na malapit sa Pangulong Rodrigo Duterte, kahit pa lugmok na ang nasabing kompanya, bukod pa sa mayroon lamang itong P62,000 paid-up capital batay sa mga datos ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Walang iniwan sa eskandalong kinasangkutan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, na nakahagip ng pinakamalaking procurement deal sa gobyerno kahit pa pinakamataas ang presyong alok kaysa bentahan sa merkado. Sa tala ng SEC, P600,000 ang paid-up capital ng nasabing kumpanyang nakahagip ng hindi bababa sa P13-bilyong kontrata para sa pagsu-supply ng mga dispalinghadong medical supplies.

Pero teka, bakit nga ba sa tuwing may bulilyaso, kaladkad ang tuta ng Pangulo?

Ang sagot – kasi naman swak sa balde ng amo ang salaping nalilikom sa paraan ng panloloko.

Hay buhay… ang sarap magretiro!

151

Related posts

Leave a Comment