KATAHIMIKAN SA HALALAN

MATAGAL nang uhaw ang mga Pilipino sa matiwasay at totoong tahimik na eleksyon sa buong bansa.

Malayo man o malapit na ang halalan sa bansa ay hindi nawawala ang bangayan ng mga supporter ng mga kandidato.

Maraming pagkakataon na ang kanilang mga taga-suporta ay nagsasalpukan sa sandaling magpang-abot ang mga ito sa iisang lugar.

Ang away ng mga ito kung minsan ay humahantong pa sa pagbubuwis ng buhay ng magkabilang kampo.

Isang matibay na ­halimbawa ang ­nangyaring pamamaril kay Mayor ­Ronald Aquino ng Calbayog City kamakailan.

Lumalabas na ang nasa likod ng pamamaslang sa alkalde ay may kinalaman sa pulitika.

Kagawad pa mismo ng Philippine National Police (PNP) ang itinuturong mga suspek sa pamamaril kay Mayor Aquino.

Kahit na may nakakitang mga residente sa lugar ay hindi pinansin ng mga suspek at itinuloy ang kanilang planong pagpatay kay Mayor Aquino.

Ang krimen na ito ay hindi sana mangyayari kung walang basbas at pera na pinakawalan ang mga politikong kalaban ni Mayor Aquino.

Ang pagpatay kay ­Mayor Aquino ay isa lamang sa mga krimeng nagaganap sa tuwing pinag-uusapan na ang eleksyon sa bayan ni Juan.

Bukod sa mismong kandidato ang nagbubuwis ng buhay ay nadadamay pati na rin ang kanilang mga taga-suporta.

Bagama’t may mga kasunduan na nilalagdaan ang mga kandidato na pumapayag sila sa “peaceful election” ay hindi pa rin ito nasusunod.

May mga kandidato kasi na para lang manalo sila sa kanilang tinatakbuhang posisyon ay gagawin nila ang lahat. Masama man o mabuti para makaupo sila sa kanilang inaasam na posisyon.

Marami rin sa mga tumatakbong politiko na kaya nila pinupuntirya ang posisyon na kanilang tinatakbuhan ay para sa proteksiyon ng kanilang mga negosyo at pangalan ng kanilang pamilya.

Nababalewala na ang tunay na serbisyo publiko na sinusumpaan ng bawat kandidato na nanalo sa kanilang tinakbuhang posisyon.

Kaya si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva ay nananawagan na rin sa mga botante na siguraduhin na ang kanilang ibobotong kandidato sa 2022 national at local elections ay hindi nasasangkot sa illegal na droga.

Nung Oktubre 13, 2021 kasi nahuli ng PDEA Regional Office-Cordillera Administrative Region (CAR), sa pamumuno ni Director Gil Cesario Castro, at mga pulis sa kanilang check point ­operation sa Oowayen, Brgy. Poblacion, Sadanga, si Sonny Kalaw, isang ­dating police officer at mayoralty candidate ng Sabangan, Mountain Province.

Kung hindi nahuli ng mga awtoridad ang kandidatong ito siguradong lalo pang titindi ang kanyang illegal na gawain kapag ­naging mayor na siya sa lugar.

Kalalabasan niyan ay magiging protektor pa siya ng sindikato.

Kaya nga dapat kumilos ang mga ahensiya ng ­gobyerno para matiyak natin na ang mga mahahalal sa nalalapit na eleksyon ay karapat-dapat sa kanilang mga posisyon.

Isa ‘yan sa ikatatahimik ng bawat eleksyon sa bansa at ito ay nakasalalay sa mga tumatakbong kandidato.

Isang araw lang po ang eleksyon, iisa lang din ang Pilipinas at tahanan ito ng mga Pilipino, mahalin po ang ating bansa.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

177

Related posts

Leave a Comment