Dapat tumestigo sa halip umasa sa pangako ng Palasyo ‘TOKHANG COPS’ MABUBULILYASO

SA gitna ng napipintong pagharap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga alegasyong inihain kaugnay ng madugong giyera ng gobyerno kontra droga, nanawagan ang isang militanteng kongresista sa mga kagawad ng pulisya na piliing tumestigo kaysa madamay pa sa bulilyaso.

Paliwanag ni Bayan Muna partylist Rep. Carlos Zarate, walang garantiyang poprotektahan ng Pangulo ang mga pulis na kanyang kinasangkapan sa madugong drug war.

“Lumabas at magsalita na sila ngayon bago pa maging huli ang lahat at sila rin ay mabiktima ng kanilang dubious nanlaban narrative. By now, dapat ma-realize na nila na si President Duterte cannot and will not protect them, especially once he is out of power,” ani Zarate.

Dapat aniyang kumanta na ang mga mga pulis na sangkot sa madugong giyera kontra droga. Giit pa niya, dapat ipagtapat na ng mga kinasangkapang alagad ng batas kung sino ang nag-utos sa kanilang patayin at palabasing nanlaban ang target ng kanilang operasyon.

Una nang naiulat ang nakatakdang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa 152 pulis na bahagi ng 52 kasong binubusisi ng Department of Justice (DOJ).

Ani Zarate, madaragdagan pa ang bilang ng mga makakaladkad bunsod na rin aniya ng 6,000 iba pang kasong pagpatay ang planong suriin ng nasabing departamento.

“Duterte himself will be besieged with many cases, in the local courts and the ICC – so he would be too busy defending himself and not you,” mensahe pa ng mambabatas sa iba pang sangkot sa madugong kampanya ng gobyerno laban sa kalakalan ng droga.

Inihalintulad pa ng kongresista ang kinahantungan ni dating Heneral Jovito Palparan na mistulang pinabayaan makaraang sundin ang lahat ng iniatas na pagpatay sa mga kalaban ng estado. Gayundin aniya sa kaso ng tatlong dating sundalong pumaslang sa labor leader na si Rolando Olalia at isa pa may 35 taon na ang nakakaraan.

“Do not be like the berdugo Palparan who is now in jail or the petty officers in the Olalia-Alayay case who are now in jail. Come out now, come clean, so that you can help in giving justice to the victims and those primarily responsible be held accountable,” dagdag pa nito.

Aniya, di nagawang protektahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Palparan nang bumaba ito sa pwesto. Habambuhay ang hatol ng husgado kay Palparan na ngayon ay nakapiit sa New Bilibid Prisons. (BERNARD TAGUINOD)

149

Related posts

Leave a Comment