NAGPAHIWATIG si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nag-aalala si dating Philippine National Police (PNP) chief Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa imbestigasyon ng International Criminal Court ukol sa madugong kampanya ng administrasyon laban sa ilegal na droga.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa Lucena City, inulit ng Pangulo ang kanyang binitiwang salita at pangako na aakuin ang buong responsibilidad para sa kanyang drug war na hinihimay ng international court.
“I assume full responsibility. Kaya ang sabi ko kay Bato wag kang mag ano, keep quiet there and just, ako turo mo ako. Si Duterte ang nag-utos. Kung ano man yang nasa listahan mo, utos ni Duterte yan. And I will answer for all,” ani Pangulong Duterte.
Iyon nga lamang, ayon sa Chief Executive, sasagot lamang siya sa local courts.
Handa aniya siya na ipagtanggol ang sarili mula sa posibleng imbestigasyon ng kanyang drug war.
“If there is any person who is going to prison it would be me but it should be a Filipino court manned by a Filipino judge and me prosecuted by a Filipino prosecutor,” giit ng Pangulo.
Nauna rito, muling kinastigo ng Pangulo ang International Criminal Court (ICC) dahil sa pagiging “concerned” nito sa mga suspek na napatay sa malawakang kampanya ng administrasyon laban sa illegal drugs sa halip na pahalagahan ang pagsisikap ng gobyerno na tuldukan ang drug proliferation sa bansa.
“What they show to the ICC is the death of some criminals, yung napatay lang. Yung masabi na pinatay dito ng army, pinatay dito ng pulis, hindi nga malaman kung sino and for what, basta kung may patay dyan at walang suspect, walang tao, diretso na kaagad sa kanila and they would say EJK [extrajudicial killings],” aniya pa rin.
Noong nakaraang buwan, inaprubahan ng pre-trial chamber ng ICC ang naging kahilingan ni dating chief prosecutor Fatou Bensouda na magsagawa ng full-blown investigation sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte. (CHRISTIAN DALE)
