MAS pinaigting na ugnayan sa pagitan ng Bureau of Customs (BOC) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang sasagupa sa patuloy na banta ng money-laundering sa ekonomiya ng bansa.
Pagtitiyak ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, mas palalawigin pa ng kanilang kawanihan sa tulong ng AMLC ang pagbabantay sa pagpupuslit ng salapi papasok at palabas ng bansa, gamit ang mga makabagong teknolohiyang dala ng mga kagamitan binili ng kanilang ahensya bilang tugon sa hamon ng mandatong nakaatang sa BOC.
Kasama si AMLC executive director Mel George Racela, idinaos ang tatlong-araw na refresher course na aniya’y magpapatibay sa mga target intelligence packaging sa layuning tuldukan ang isa sa mga mekanismong gamit ng mga sindikatong naglalagak ng kanilang kinita mula sa iligal na aktibidades sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sa isang Memorandum of Agreement na nilagdaan ni Guerrero at Racela, magsasagawa rin sila ng mga joint trainings sa hangaring tiyakin ‘di masasayang ang pagsisikap ng dalawang tanggapan laban sa money-laundering.
Kabilang sa mga isinailalim sa refresher course ang mga kawani ng AMLC, Passenger Service ng Ninoy Aquino International Airport, Mactan Cebu International Airport, Legal Service of the Revenue Collection Monitoring Group, Post Clearance Audit Group, Customs Intelligence and Investigation Service of the Intelligence Group, at Enforcement and Security Service of the Enforcement Group para sa malalimang pag-unawa sa Anti-Money Laundering Act, Financial Investigations, Combating Financing of Terrorism, at maging sa aspeto ng international cooperation sa iba’t ibang bansa.
Sa pagtatapos ng nasabing aktibidad, binigyan din ng AMLC ng karagdagang Multi-Currency Discriminator (Bill Counter) Machine ang BOC upang lalo pang mapagbuti ang kampanya laban sa money laundering.
169
