WALANG garantiyang ligtas para sa “human consumption” ang mga ipinuslit na gulay mula sa bansang Tsina kaya naman ang hatol ng Bureau of Customs (BOC) – huwag nang paabutin pa sa merkado.
Ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, 60 kargamentong naglalaman ng mga iba’t ibang smuggled vegetables na nasabat sa Port of Subic nitong mga nakaraang linggo ang napagpasyahang idispatsa ng kawanihan.
Bukod aniya sa pampasikip lamang sa kanilang pasilidad, dapat din umano tiyaking walang makakarating sa mga nasabing mga gulay sa mga pamilihan lalo pa aniya’y hindi dumaan ang mga ito sa pagsusuri ng mga eksperto sa kalusugan.
Kabilang sa mga kinondena at winasak ng kawanihan ay mga sibuyas, carrots at brocolli na idineklara ng mga importers bilang tinapay at palaman. Kabilang sa mga saksi sa ginawang pagwasak ng ahensya sa mga nakumpiskang gulay ay ang mga kinatawan mula sa Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at ni Deputy Customs Commissioner Raniel Ramiro.
Sa tala ng BOC, tinangka umanong ipuslit ng Zhenphin Consumer Goods Trading, Duar Te Mira Non-Specialized Wholesale at Gingarnion Agri Trading sa Port of Subic ang 60 dambuhalang container vans na naglalaman ng mga gulay mula sa bansang Tsina.
Nahaharap din sa kasong paglabag ng Customs Modernization and Tariff Act (CTMA) at DA Circular 04 series of 2016 ang mga nasabing kumpanya.
Ayon kay Ramiro, malaking bentahe sa kanilang kawanihan ang pinagtibay na ugnayan sa iba pang tanggapan ng pamahalaan a layuning tuldukan ang smuggling activities sa iba’t ibang panig ng bansa.
Samantala, muling sumalakay ang mga operatiba ng BOC sa isang bodega sa Cagayan de Oro kung saan tumambad ang tinatayang P5-milyong halaga ng mga smuggled na gulay mula pa rin sa bansang Tsina.
Bitbit ang Letter of Authority at Mission Order na nilagdaan ni Commissioner Guerrero, pinasok ng mga kawani ng Port of Cagayan de Oro ang target sa Barangay Puntod, Cagayan de Oro.
Gayunpaman, sarado na ang target na pasilidad nang dumating ang raiding team, kaya naman minabuti nilang balikan ito kinabukasan. Sa loob ng pasilidad, tumambad ang iba’t ibang consumer goods, kabilang ang mga red onions, bawang at carrots na umano’y wala sa kanilang talaan ng mga pumasok na kargamento.
Hindi na nakuha pang bitbitin ng mga operatiba ang mga kumpiskadong gulay at sa halip ay ikakandado na lang at sinelyuhan ang warehouse kung saan nakalagak ang mga naimbargong consumer goods.
179
