KUMPIYANSA ang Malakanyang na hindi magtatagal ay magbabalik na sa normal ang sitwasyon ng bansa dahil marami na ngayong Filipino ang tumutugon sa apela ng pamahalaan na magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang COVID-19 vaccination ay susi para sa full recovery mula sa pandemiya.
“The vaccines are working po. Mahawa man eh parang ordinaryong sipon o flu ang nangyayari. So, sa akin po, importanteng magpabakuna tayo at saka importante rin po yung ating mask, hugas, at iwas,” ayon kay Sec. Roque.
Si Sec. Roque ay kasalukuyang nasa Estados Unidos, kung saan ang sitwasyon partikular sa Washington ay nagbalik na sa normal para sa vaccinated individuals.
“Makikita niyo po na talagang ‘pag mataas ang vaccination rate, nakakabalik po sa normal na buhay,” ani Roque, na fully vaccinated na.
Sa Pilipinas, may kabuuang 25,955,669 indibidwal ang fully vaccinated, “as of Monday.”
Tinatayang 30,298,860 indibidwal ang nakatanggap na ng first dose ng COVID-19 vaccine.
Ani Sec. Roque, maaari lamang maituring na “healed as one,” ang bansa kung ang population protection ay makakamit. (CHRISTIAN DALE)
171
