DALAWANG Philippine Army officers ang namatay habang isa pang opisyal ang nasugatan nang biglang mamaril ang isang sundalo sa loob mismo ng kanilang kampo noong Miyerkoles ng hapon.
Sa inisyal na ulat, isang sundalo na hinihinalang dumaranas ng ‘war shock’, ang biglang namaril sa loob ng 10th Civil Military Operation Camp na nasa ilalim ng Army 10th Infantry “Aguila” Division sa Brgy. San Agustin, Tagum City bandang alas-6:45 ng hapon.
Kinilala ang naghuramentadong sundalo na si Staff Sergeant Arvin D. Bureros, isang organic personnel ng 10CMO Battalion. Sumigaw umano ito ng “Taposon na nato ni” (Tapusin na natin ito), habang naglalakad sa harapan ng ilang sundalo.
Bigla umanong pinaputukan ni Bureros gamit ang kanyang service firearms na R4 rifle, ang harapan ng tindahan na may limang metro lamang ang layo kaya agad na nahagip sina Major Franklyn Embat, Battalion Executive Officer, at TSg. Sandato Tuma, Battalion Sergeant Major.
Nagawa pang makipag-agawan ni Maj. Mineheart Maliawao, Battalion S1, sa baril sa suspek, kaya napigilan ang pagpapaputok nito.
Tinangkang awatin ng iba pang sundalo si Bureros ngunit nakita nilang may nakasukbit pa itong Glock pistol kaya nakatakas ito.
Kapwa idineklarang dead on arrival ng attending physician ng Tagum Doctors Hospital at Davao Regional Medical Center sa Tagum City sina Major Embat at TSgt. Tuma sanhi ng mga tama ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Habng si Maj. Maliawao naman na nagkaroon ng mga gasgas at sugat ay dinala sa Mission Hospital ng Tagum City at nasa maayos nang kondisyon.
Agad ding sumuko si Ssgt. Bureros sa mga opisyal ng Brgy. San Agustin na siyang naghatid sa kanya sa Tagum Police Station.
Nauna rito, sa hindi nabatid na dahilan, napagalitan umano ng kanyang mga opisyal ang suspek na may dalang armas dahil nadestino ito bilang sentinel guard.
Pagkaraan ay uminom umano ng alak ang suspek at nang malasing ay bumalik sa kampo at pinaulanan ng bala ang kanyang mga kasamahan.
Samantala, dalawang tauhan ng Philippine Army ang nagbuwis ng buhay habang apat pa nilang kasamahan ang nasugatan nang harangin ng mga sundalo ang tangkang pananalakay ng communist terrorist group noong Miyerkoles ng hapon sa Negros Occidental.
Pinaniniwalaang marami rin ang nalagas sa hanay ng tinatayang 25 miyembro ng communist New People’s Army na naka-engkwentro ng mga sundalo.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Philippine Army commanding general, Lt. General Andres Centino, nasawata ng pinagsanib na puwersa ng Army’s 62nd Infantry (Unifier) Battalion at 79th Infantry (Masaligan) Battalion ang planong pag-atake at extortion activity ng CPP-NPA terrorist sa Negros Occidental.
Nabatid na naglunsad ng combat operations ang mga tauhan ng 62IB at 79 IB kasunod ng sumbong mula sa isang concerned citizen hinggil sa presensiya ng NPA terrorists na nagtitipon-tipon sa bisinidad ng Sitio Tiyos, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental.
Ang nasabing grupo ay nagpaplanong maglunsad ng pagsalakay at pangingikil sa area.
Habang papalapit ang mga sundalo sa tinukoy na area na kinalalagyan ng mga 25 NPA ay sinalubong agad sila ng sunod-sunod na putok kaya agad nauwi ito sa enkuwentro.
Matapos ang may isang oras na matinding sagupaan ay umatras ang mga NPA bitbit ang kanilang apat na sugatang mga kasamahan. (JESSE KABEL)
