D’YAN DEHADO ANG PINOY

MABUTI at nahuli na ng Senado ang magkapatid na Mohit at Twinkle ­Dargani ng kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical Corporation bago nila natakasan ang mga pananagutan sa batas ng Pilipinas.

Kung pagbabasehan ang mga report, gustong takasan ng magkapatid ang kanilang kaso tulad ng pagbabayad ng tamang buwis at maging ang “panloloko” ng kanilang kumpanya sa mga Filipino.

Hindi ako nagsabi na naloko ng Pharmally ang mga Filipino ha. Lumabas ‘yan sa Senate hearing matapos aminin ng isa nilang tauhan na nagbenta sila ng mga hindi maayos na face shield sa Procurement Service ng Department of Budget and ­Management.

Walang ibang plano ang magkapatid na Dargani kundi tumakas dahil lumalabas na sasakay sila sa chartered plane na magdadala sa kanila sa Kuala Lumpur, Malaysia mula sa Davao International Airport.

May kasabihan na kapag tinakasan mo ang isang kaso, nangangahulugan na guilty ka. So, guilty ang magkapatid na Dargani dahil tinangka nilang takasan ang kanilang kaso? Nagtatanong lang dahil hindi naman ako abogado.

Pero teka, sino ang nagproseso sa chartered plane na mula Singapore para sakyan ng magkapatid at papaano sila ­nakarating sa Davao City eh nasa Metro Manila lang yata sila noong maglabas ng arrest order ang Senado?

D’yan dehado ang mga Pinoy kapag may mga dayuhan o mga Filipino na may dalawang nationality at passport tulad ni Mohit na isang Indian at Filipino dahil maaari nilang takasan ang kanilang pananagutan sa Pilipinas.

Kung nakalabas ang magkapatid na ‘yan, malabong mapanagot pa sila sa mga nakaambang kaso tulad ng hindi pagbabayad ng tamang buwis at pagbili ng mamahaling sasakyan na hindi dumaan sa Bureau of Customs.

Pero ‘yung mga Pinoy na naging kasabwat nila ay siguradong may paglalagyan dahil wala silang kapabilidad na makatakas at wala silang ibang nationality na puwede nilang magamit sa kanilang proteksyon.

Kaya dapat mag-isip nang mabuti ang mga Pinoy na ginagamit ng mga dayuhan sa kanilang ilegal na gawain dahil sila ang mananagot kapag nabuko ang kanilang anomalya.

Hindi naman lahat ng mga dayuhan ay may planong lokohin ang ­gobyerno ng Filipino o sambayanang Filipino. Mas ­marami ang matitino at sumusunod sa batas ng Pilipinas.

Pero meron talagang mga dayuhan na iniisahan ang Pinoy at gobyerno sa pamamagitan ng hindi pagbabayad ng tamang buwis, magnenegosyo sa Pilipinas pero hindi sumusunod sa batas.

Marami ring dayuhan na akala mo untouchable na sila dahil may koneksyon sila sa gobyerno kaya ­medyo naasiwa ako sa ilan sa kanila na nagdi-display ng kanilang larawan kasama ang matataas na lider ng bansa at police officials sa kanilang tanggapan.

Dapat maging aral sa kanila ang nangyari sa mga opisyales ng Pharmally na kahit konektado sila sa kataas-taasan ay hindi sila libre sa pananagutan dahil hahabulin at hahabulin sila ng gobyerno.

Hindi habambuhay ay nasa poder ang kanilang mga kapit at ipinagma­malaking mga taong gobyerno. Mabubuko at mabubuko ang katiwalian lalo na kung matindi ang nangyaring kawalanghiyaan!

136

Related posts

Leave a Comment