NEWS BLACKOUT SA PAGPATAY SA BRGY. KAGAWAD NG PASIG?

Maraming nagtataka kung bakit walang lumalabas sa isyu ng pagpatay sa first kagawad ng Brgy. Rosario, Pasig City.

Si Kagawad Nike Cruz ay binaril bandang alas-4 ng hapon noong Oktubre 14, 2021 sa isang lugar sa Brgy. Rosario, Pasig City.

Ikinamatay ni Kagawad Cruz ang nasabing pama­maril at makalipas ang labing-apat na araw, noong Oktubre 28 ay nadakip ng Pasig City Police ang suspek.

Mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 15, labing walong araw na ang nakalipas ay wala pa ring inilalabas ang Pasig City Police na update ng kaso ng pamamaslang at pagkakahuli sa suspek.

Sa nakuhang impormasyon ng PUNA, si Kagawad Cruz ay chairman ng Peace and Order Committee na sakop ang paglaban sa illegal drugs.

Kaya maraming nagtataka, kung nahuli na raw ang suspek bakit hindi pa inilalabas ng Pasig City Police ang isyu?

Hindi po tayo nakikialam sa trabaho ng mga awtoridad, kaya lang maraming nagtatanong kung bakit hindi inilalabas ang hinggil sa pagkakahuli sa suspek ng mga awtoridad?

Bakit hindi rin sinasabi kung anong motibo ng pamamaril sa biktima?

Marami pong naka­subaybay sa kaso ng pamamaril kay Kagawad Cruz dahil isa po siyang elected official ng kanilang barangay.

Kailangan laliman pa ng mga awtoridad ang kanilang imbestigasyon para malaman nila kung ang pamamaril kay Cruz ay may kinalaman sa kanyang trabaho, bilang chairman ng Peace and Order Committee sa kanilang barangay.

Marami na kasing ­elected official ang napapatay dahil sa kanilang paglaban sa illegal drugs.

Mayroon din namang napapatay na elected officials tulad nina Mayor Reynaldo Parojinog ng Ozamis City, at Mayor Rolando Espinosa ng Southern Leyte dahil kasama sa drug watchlist ng gobyerno.

Sinikap ng PUNA na makuha ang reaksyon ni Col. Ramon Arugay ng Pasig City Police kaya tinawagan natin siya sa pamamagitan ng cellphone.

Bagama’t busy si Col. Arugay ay nakausap natin siya at kinumpirma niyang “bayaran” ang suspek na kanilang nahuling pumatay kay Kgwd. Cruz.

Sinampahan na raw ng kaso ang suspek na hindi na idinetalye ni Col. Arugay dahil daw sa pakiusap sa kanya ng pamilya ng una.

May punto po si Col. Arugay, dahil kahit suspek man ay may karapatan ding tumangging magsalita.

Ayaw lang ng PUNA na malihis ang tunay na isyu sa pagpatay kay Kagawad Cruz at pasukan ng political issue.

Kadalasan kasi ‘pag ang isang politiko ay napapatay ay binibigyan ng anggulo na ang motibo ng pagpaslang sa kanya ay may kinalaman sa pulitika.

Isa po ito sa mga dahilan na nagpapagulo sa tunay na isyu at motibo ng pamamaslang.

Kapag ganito ang nangyayari ay hindi naituturo ang tunay na utak ng pamamaslang na nag-utos sa suspek kung sino ang nagbayad sa kanya kaya niya pinatay ang biktima.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

334

Related posts

Leave a Comment