Sibuyas, hindi mantikilya WOW MALI!

MULING nabulilyaso ang pinakabagong tangkang pagpupuslit sa paboritong bagsakan ng mga smuggled red onion – saan pa nga ba kundi sa Mindanao na itinuturing na paraiso ng mga sindikato sa likod ng smuggling ng kalakal mula sa bansang Tsina.

Sa taya ng Bureau of Customs (BOC), hindi bababa sa P6 milyong halaga ng mga red onions na unang idineklara ng Humility Trading bilang mantikilya mula sa bansang Tsina ang nakumpiska sa Mindanao Container Terminal (MCT) Sub-port sa Tagoloan, Misamis Oriental, bunsod ng isang timbreng pinarating ng impormante sa pagdaong ng mga nasabing kalakal.

Sa bisa ng alert order na nilagdaan ni Port of Cagayan de Oro District Collector Atty. Elvira Cruz, inantabayanan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang kargamentong ibinarega sa MCTS.

Nang matukoy ang kargamento, agad na isinalang sa physical examination kasama ang iba pang mga kinatawan ng ibang tanggapan ng kawanihan ang da­lawang container van kung
saan tumambad ang sang­katerbang red onions – sa halip na mantikilya na siyang nakatala sa mga kalakip na dokumentong isinumite ng Humility Trading.

Nang beripikahin, luma­labas na wala rin itong Phytosanitary Import Clearance mula sa Department of Agriculture (DA), hudyat para kumpiskahin tuluyan ng mga operatiba ang laman ng nasabing container van.

Kamakailan lang ay ibinaon naman ng BOC-CDO sa Barangay Mantibugao sa bayan ng Manolo Fortich, lalawigan ng Bukidnon ang mga nasabat na mga red onions sa magkakahiwalay ng operasyon mula buwan ng Agosto.

Sa pagtataya ng BOC-CDO, papalo umano sa P200 milyon ang halaga ng dinispatsang sibuyas na tinangkang ipuslit ng sa nasabing Puerto.

Kasabay ng pagbabaon ng mga nabulok ng sibuyas, muli namang naglabas ng babala ang DA sa publiko. Anila, walang katiyakang ligtas ang anumang produktong agrikulturang hindi dumaan sa angkop na pagsusuri ng mga eksperto.

Pagtitiyak naman ni Cus­toms Commissioner Rey Leonardo Guerrero, pananagutin sa batas ang mga importer, consignees, customs brokers at maging ang mga kawaning mapapatunayang kasabwat sa mga iligal na aktibidad sa nasabing ahensya ng gob­yerno. (JO CALIM)

209

Related posts

Leave a Comment