KINILALA ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) ang lalawigan ng Bulacan bilang “Richest Province” sa hanay ng 81 probinsya, batay na rin sa naitalang local revenue para sa taong 2020.
Sa isang kalatas ng Department of Finance (DOF), lumalabas rin sa datos ng BLGF na dinaig ng Bulacan ang mga bigating lalawigan ng Cavite, Laguna at Rizal kung saan piniling magnegosyo ng maraming multi-national at transnational corporations batay naman sa talaan ng Board of Investments (BOI).
Sa tala ng BLGF, tumataginting na P1.72 bilyon ang pumasok na kita sa lalawigan ng Bulacan mula sa mga local taxes at iba pang bayarin tulad ng regulatory fees at user charges. Malaking bahagi naman ng ng local revenue na pumasok sa kaban ng lalawigan ay mula sa real property tax (amilyar) at local business tax na ibinabayad ng mga kapitalistang may negosyo sa naturang probinsya.
Ayon kay Bulacan Gov. Daniel Fernando, hindi na bago sa Bulacan ang mapasama sa top 10 ng pinakamayamang lalawigan subalit katangi-tangi aniya ang pangunguna ng Bulacan na ayon sa kanya ay nagawa pa rin makalikom ng pondong labas sa internal revenue allotment na nakalaan sa mga local government units – sa kabila pa ng sadlak-dusang epekto ng pandemya sa buong bansa at ibang panig ng mundo.
“Nagpapasalamat ako sa ating mga Bulakenyo taxpayers sa kanilang pagiging responsable at mabuting mamamayan. Ang pagkilalang ito ay malinaw na indikasyon ng paglago ng ekonomiya ng Bulacan maging sa gitna ng pandemya. Patunay din ito ng pagtitiwala ng mga Bulakenyo sa kasalukuyang pamamahala ng ating lalawigan. Ito ay titiyakin natin na magbubunga ng ibayong kaunlaran at lalong mabuting serbisyo para sa ating mga mamamayan,” ani Fernando.
Kabilang din sa top 10 richest provinces ang Bataan, Rizal, Pampanga, Quezon, Batangas, Iloilo, Bukidnon, Pangasinan, at Cavite.
Samantala, pasok naman sa top 10 richest municipalities ang bayan ng Marilao na nakapagtala P473.95 milyong local revenue para sa 2020.
Ayon sa BLGF, ang taunang target ng pagganap ng BLGF para sa lokal na ingat-yaman ay tumutukoy lamang sa mandato sa buwis ng mga lokal na pamahalaan kabilang ang amilyar, local business tax at iba pang revenue sources tulad ng regulatory fees at user charges ng mga negosyante.
Paglilinaw ng BLGF, hindi pa kasama ang koleksyon at iba pang kitang katumbas ng interes, rebate, pagbebenta ng mga ari-arian at iba pang “seasonal” revenue-generating ventures. (ELOISA SILVERIO)
