MULING nadagdagan ang bilang ng mga kaso ng mutated coronavirus strain makaraang magpositibo sa Omicron variant ang isang 36-anyos na balikbayang Pinoy na dumating sa bansa mula sa bansang Qatar.
Ayon sa Department of Health (DOH), tatlo na ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng Omicron variant na ayon sa mga eksperto at higit na nakakahawa kumpara sa Delta variant na kumitil ng hindi bababa sa 400,000 katao sa bansang India nitong nakaraang mga buwan ng Hulyo at Agosto.
Pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang ikatlong pasyenteng nagpositibo sa Omicron variant ay napag-alaman ding may travel history sa bansang Egypt kung saan mataas na ang bilang ng mga tinamaan ng Omicron variant.
Sa report ng DoH , Nobyembre 28 nang dumating sa Mactan-Cebu International Airport ang balik-bayang Pinoy lulan ng Qatar Airways flight QR 924. Petsang Disyembre 5 ng lumabas ang resulta batay sa kinuhang specimen sample mula sa naturang indibidwal.
Batay sa pinakahuling medical update, nakumpleto na rin aniya ng naturang balikbayan ang mandatory isolation period at lumabas na negatibo na sa COVID-19.
“He completed his isolation in Cebu before traveling back to Cavite, his hometown, and immediately underwent home quarantine,” pahabol pa ng opisyal. (RENE CRISOSTOMO)
