RUMATSADA muli ang tambalan nina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at running-mate na si Davao City Mayor Sara Duterte sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa ‘nationwide’ nito lamang Disyembre 1-6, taong kasalukuyan.
Sa tanong na kung ngayong gaganapin ang halalan sa pampanguluhan, si Marcos ay nakakuha ng 53 percent, malayong hindi hamak sa pumapangalawang si Leni Robredo na may 20 percent.
Parehong may eight percent at tabla sa ikatlong puwesto ang mga katunggali nilang sina Isko Moreno at Manny Pacquiao.
Pang-apat si Ping Lacson na may six percent, si Antonio Parlade ay one percent, habang sina Leody de Guzman at Norberto Gonzales ay parehong hindi nakakuha ng kahit isang porsiyento na nagdala rin sa kanila sa pinakakakulelat na posisyon.
Tumatakbo bilang standard bearer ng Partido Federal ng Pilipinas, nanguna si Marcos sa lahat ng regional surveys na may 61 percent sa National Capital Region, 51 percent sa Luzon, 42 percent sa Visayas, at 64 percent sa Mindanao.
Ang lahat ng nasa class ABC ay nakapagtala ng 53 posiyentong boto para sa dating senador, sa class D ay nakakuha ng 54 percent; samantalang sa class E ay may 49 percent.
Sa vice-presidential survey, si Duterte na pambato ng Lakas-CMD, ay malayong hindi hamak sa kanyang 45 percent na boto kumpara sa 31 percent na nakuha ni Tito Sotto.
Habang si Kiko Pangilinan ay may 12 percent; Willie Ong na may six percent at Walden Bello na may 0.01 percent.
Matatandaang si Duterte ang pinakahuling kandidato sa vice-presidential bid dahil nagsumite lamang ito certificate of candidacy noong Nobyembre 13 o dalawang araw matapos ang deadline ng Comelec para makapagpalit ng kandidatura.
Ang malaking lamang ni Marcos sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey ay lalong nagpatunay ng pamamayagpag ni BBM sa mga iba pang survey results mula sa SWS, Publicus, Kalye Survey, DZRH at RMN na halos iwan nang malayo ang mga katunggali sa pampanguluhan – limang buwan bago sumapit ang May 2022 elections.
Kaugnay nito sinabi ni Marcos na ang BBM-Sara UniTeam ay patuloy na magtatrabaho nang husto para iparating ang sinsero nilang mensahe na ‘unity’ ang susi upang maibalik sa dating sigla ang katatagan ng bansa.
200