NANAWAGAN si Senador Risa Hontiveros sa gobyerno na pagtuunan ng pansin ang mga unreported COVID 19 cases o ang mga nagkakasakit na nagpapagaling na lamang sa kanilang tahanan at hindi na ipinaalam sa kanilang mga lokal na pamahalaan.
Sinabi ng senador na sa halip na limitahan na naman ang paggalaw ng mamamayan dahil sa Omicron variant, kailangang pagsikapan ng gobyerno na alamin ang tunay na numero ng mga tinatamaan ng virus.
Aminado si Hontiveros na bukod sa mga kasong hindi nako-contact trace, marami ang nagse-self administer ng antigen test at nagho-home isolation kapag nagpa-positive.
Ang mga ito aniya ay dapat ding masuportahan ng gobyerno habang nagpapagaling sa kanilang mga tahanan.
“Kahit mild cases pa yan, dapat mabigyan ng kakayahan at impormasyon ang ating mga pamilya pagdating sa pagmo-monitor ng kasamahan nilang natamaan ng COVID. Inudyukan ko ang DOH na palakasin pa ang kanilang telemedicine capacity, pati na rin ang information campaign ukol sa home care ng mga pasyenteng may COVID,” diin ni Hontiveros.
Bukod sa pagpapalakas ng telemedicine capacity ng Department of Health, dapat din anyang iakyat sa 150,000 ang bilang ng mga isinasailalim sa RT PCR tests kada araw.
“At the rate we are going, IATF has to double their daily output. Kasabay nito, dapat libre ang tests para sa mga high-risk individuals, at sa mga vulnerable sectors, tulad ng ating mga senior citizens,” diin ni Hontiveros. (DANG SAMSON-GARCIA)
427 