HINDI sapat na paglalarawan ang katagang “magulo” para sa salu-salungat na pahayag ng mga taong gobyerno kaugnay ng direktibang “no vax, no ride policy” ng Department of Transportation (DOTr).
Dangan naman kasi bukod sa walang batas na direktang nagpapahiwatig ng legalidad ng polisiya, wala rin namang alternatibo ang pamahalaan para sa mga manggagawang umaasa lang sa kakarampot na arawang sweldo.
Ayun tuloy, umani sila ng patutsada sa halip na paghanga! Maging ang DOTr, tila gulong-gulo sa kalatas na sila mismo ang bumuo.
Sa pag-aakalang mapupwersa ang mga taong magpabakuna, pati mga departamento’y naglabu-labo na – pahiwatig na wala sa tono ang mga kagalang-galang na Sekretaryo.
Ayon sa DOTr, walang sisinuhin ang polisiyang “no vax, no ride” ng departamento. Taliwas naman dito ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagsabing hindi kasama sa restriksyon ang mga manggagawang patungo sa kani-kanilang mga trabaho.
Ang nakalulungkot ay ang pagsawsaw ng Department of Health (DOH) na sa halip kumbinsihin ang mga ‘di pa bakunadong manggagawa na magpaturok kontra COVID-19 ay iwas-pusoy sa posisyon ng dalawang kagawaran.
Ayon pa sa DOH, hindi sila ang magpapasya kundi ang Inter-Agency Task Force na pinamumunuan ng isang walang alam sa siyensya at medisina.
Kung may departamentong dapat tumutok sa polisiyang ipinatutupad kaugnay ng pandemya, iyon ay ang DOH na ang mandato ay tiyakin ang kalusugan at kaligtasan ng mga tao.
Tama ba naman kasing ituro na lang sa IATF at DOLE gayung nasa DOH ang pinakamahusay na doktor at alagad ng siyensya?
Sa puntong ito, siguro pwedeng ikonsidera ng Pangulo ang pagpapalitan ng pwesto nina IATF chair Carlito Galvez at DOH Secretary Francisco Duque.
Si Duque sa IATF, si Galvez sa DOH!
185 