KORAPSYON SA COVID-19 RESPONSE UMAALINGASAW – GORDON

NANINDIGAN si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na umaalingasaw na korapsyon sa pagtugon ng Department of Health sa COVID 19 pandemic.

Sa kanyang press conference kaugnay sa preliminary report ng kumite sa imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa kontrata ng gobyerno at Pharmally Pharmaceutical Corporation, sinabi ni Gordon na pinagsamantalahan ang kaban ng bayan sa gitna ng pandemic.

Sa halip anya na atupagin ang mga hakbangin para sa agarang pagsasaayos ng kalusugan ng taumbayan, sinalakay at pinagsamantalahan ang pondo ng gobyerno.

Kumbinsido rin si Gordon na dahil sa mga inasal ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng imbestigasyon ng kumite, na may alam ito, pinapayagan kinunsinti ang mga iregularidad sa kontrata.

Samantala bagama’t isinama ni Gordon sa kanyang rekomendasyon na papanagutin si Pangulong Rodrigo Duterte, tiwala siyang makukuha niya ang approval ng kanyang mga kasamahan sa Senado.

Umaasa ang senador na hindi mahahati ang Senado na batay sa political biases at sa halip ay sa pagitan ng katotohanan at kasinungalingan.

Muling iginiit ni Gordon na hindi siya natatakot sa mga banta ni Pangulong Duterte at nais lamang niyang makita ng publiko ang katotohanan.

Sa preliminary report ng kumite, inirekomenda ang pagpapanagot kay Pangulong Duterte dahil sa betrayal of public trust habang pinadedeport si dating Presidential Adviser Michael Yang gayundin ang pagsasampa ng kasong katiwalian laban kay Health Secretary Francisco Duque at iba pang dating opisyal ng Department of Budget and Management-Procurement Service at mga tauhan ng Pharmally. (DANG SAMSON-GARCIA)

239

Related posts

Leave a Comment