Impeachment malabo SEDITION VS DIGONG SA PHARMALLY DEAL

AMINADO si Senador Richard Gordon na malabong gumulong pa ang impeachment laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng mga umano’y pananagutan nito sa sinasabing iregularidad na kontrata ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Sinabi ni Gordon na bukod sa kaalyado ng Pangulo ang super majority sa Kamara, wala na ring sapat na oras upang isulong pa ang impeachment complaint.

Gayunman, ipinaliwanag ng chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na maaaring maharap ang Pangulo sa kasong inciting to sedition kasunod ng pagharang niya sa imbestigasyon ng Senado.

Sinabi ni Gordon na maituturing na inciting to sedition ang atas ng Punong Ehekutibo sa mga opisyal ng gobyerno na huwag humarap sa mga hearing at huwag maniwala sa mga senador.

Isa pa anyang batayan ng kaso ay ang pagtatalaga sa isang Chinese national sa isang posisyon sa pamahalaan lalo pa’t may isyu rin sa pagitan ng China at Pilipinas.

Tinukoy ni Gordon ang pagtatalaga kay dating Presidential adviser Michael Yang at ang patuloy na pagpapahintulot dito na makipagtransaksyon sa gobyerno.

Inilarawan ito ng senador na tila pagpapasok ng isang ulupong sa sarili mong bakuran. (DANG SAMSON-GARCIA)

187

Related posts

Leave a Comment