SUMUKO na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang Tiktok user na nagbanta umano sa buhay ni dating senador at presidential aspirant Bongbong Marcos, gamit ang naturang social media platform.
Ito ang pagkumpirma ni NBI Spokesperson Atty. Ferdinand Lavin makaraang unang ipinarating sa tagapagsalita ni Bongbong Marcos na si Atty. Victor Rodriguez.
“I was just on the phone this morning with [NBI] Deputy Director [Vicente] De Guzman. Sumuko na sa kanila ‘yung taong nag-post ng death threat na ‘yan kahapon,” ayon kay Rodriguez.
Aniya, nais malaman ng kanilang kampo kung gaano kalalim o kaseryoso ang pagbabanta ng naturang suspek laban sa kanilang kandidato.
“Ang gusto namin malaman how extensive kasi nakaka-ilang exchanges na pala sila, na nahuli lang ‘yung isang frame na na-post niya,” dagdag niya.
Isa umano ito sa dahilan ng pag-iingat ngayon ng kampo ng UniTeam sa campaign sortie habang iginiit ni Rodriguez na hindi biglaan ang pagpapasabi nila ng pupuntahan sa mga mamamahayag.
Sinabi naman ni Lavin na isinasailalim na sa imbestigasyon ang sumukong Tiktok user at inaasahang makakukuha ng dagdag na impormasyon ang ahensya.
Samantala, kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang DOJ’s Office of Cybercrime (OOC) ay nakatanggap ng online tip hinggil sa umano’y kill plot laban kay Marcos.
Kasalukuyan na itongng iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Rodriguez na ang sinasabing plot ang dahilan kung bakit nag-iingat ang kampo ni Marcos na ipahayag sa publiko ang mga detalye ng campaign trail ng dating senador.
“For the media, hindi rin totoo na gulatan or biglaan. May mga naka-detail sa aming mga reporters na halos lahat ng istasyon. Ngayon lang kami medyo nag-iingat because of the death threat on the life of presidential candidate Bongbong Marcos,” paliwanag pa ni Rodriguez.
(RENE CRISOSTOMO)
136