(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI bababa sa 240,000 trabaho ang mawawala kapag tuluyang hindi magkasundo ang dalawang Kapulungan ng Kongreso na P3.757 bilyon 2019 General Appropriations Act (GAA) at gagamit ang gobyerno ng reenacted budget hanggang sa katapusan ng taon.
Ito ang nabatid kay House Deputy Majority Leader Rodante Marcoleta sa press conference kasama si Majority leader Fred Castro matapos silang pulungin ni Pangulong Rodrigo Duterte Martes ng gabi. Hindi sinabi ni Marcoleta kung ilang libong trabaho na ang nawala mula Enero hanggang Marso habang reenacted budget ang ginagamit ng gobyerno subalit pagdating ng Abril aniya ay aabot sa 60,000 hanggang 120,000 trabaho ang mawawala.
“Sa employment matindi din po ang kabawasan. We would have lost 60,000 to 120,000 kung halimbawa reenacted budget tayo hanggang Abril. By Augsut, 120,000 to 160,000 job would have lost,” ani Marcoleta.
Tataas aniya ito ng 180,000 hanggang 240,000 kapag sa buong taon ay reenacted budget ang gagamitin ng gobyerno kung saan P377 Billion ang hindi magagalaw o hindi magagastos ng gobyerno na laan para sa mga imprastraktura.
Maliban dito, sinabi ng mambabatas na hindi makakamit ng gobyerno ang target ng 7% na Gross Domestic Product (GDP) ngayong 2019 dahil maglalaro na lamang umano sa 4.2% hanggang 4.9%.
Bawat buwan aniya na gumagamit ng reenacted budget ang gobyerno, 0.7% hanggang 0.9% ang ibinababa ng GDP kaya kung pagdating ng Abril ay wala pa ring nangyayari sa national budget ay 6.1% hanggang 6.3% na lamang naglalaro ang GDP.
“Kung aabot ng August ang reenacted budget, magiging 4.9 to 5.1% ang GDP so nakikita nyo ang implication, bababa po ang ating national output,” ayon pa sa mambabatas.
Hanggang nitong Miyerkoles ay pinaninindigan ng liderato ng Kamara na hindi unconstitutional ang kanilang pag-itemized ng kanilang parte sa lumpsum sa national budget.
270