PALASYO PABOR SA HIRIT NA UMENTO NG GURO

HINDI malayong pagbigyan ng pamahalaan ang hirit na umento sa sahod ng mga guro sa kabila ng COVID-19 pandemic.

“I’m sure mayroon ding pagtaas ng suweldo sa mga guro natin. Mahal ni Tatay Digong ang ating mga guro,” ayon kay acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar sa kanyang “Ask Me Anything, Anywhere” segment na inere sa kanyang Facebook page, noong Sabado.

Matatandaang sa ilang talumpati ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, palagi nitong sinasabi na napakahalaga sa kanya ng mga guro dahil sa kanyang namayapang ina na si Soledad, isa ring guro.

Ani Andanar, tatanungin niya si Education Secretary Leonor Briones kaugnay sa planong dagdagan ang sahod ng mga guro.

Marso 2021, inamin ng Pangulo na dahil sa COVID-19 pandemic ay nabigo siyang ituloy ang kanyang plano na umento sa sahod ng mga guro.

Hirit ay OT pay

Kaugnay nito, lumapit na sa bagong administrasyon ng Civil Service Commission (CSC) ang mga public school teacher dahil duda silang babayaran sila ng DepEd sa kanilang overtime pay.

Nabatid sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) na humingi na ang mga ito ng dialogue kay CSC Chairman Karlo Nograles para i-lobby na mamagitan na para mabayaran ang mga ito sa kanilang OT pay.

“We hope that the new leadership deals with the matter with utmost urgency, starting with an immediate response to our request for a dialogue,” ayon kay Raymond Basilio, secretary general ng ACT.

Mula noong nakaraang taon ay naniningil ng OT pay ang mga public school teacher dahil sumobra umano ng 77 araw ang kanilang trabaho para sa School Year (SY) 2020-2021.

Ayon sa grupo, imbes na Hunyo 1, 2020 sinimulan ang school year ay inurong ito noong Oktubre 5, 2020 kaya imbes na 10 buwan lamang ay inabot ng 13 buwan ang kanilang trabaho.

(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

177

Related posts

Leave a Comment