Sa kabila pa ng mas mahigpit na pagbabantay ng Bureau of Customs (BOC) sa mga daungan ng mga kalakal, patuloy pa rin ang bentahan ng mga smuggled na gulay sa mga pamilihan, kabilang ang Divisoria Night Market sa Maynila kung saan kahon-kahong smuggled carrots at broccoli ang nasabat nito lamang Lunes ng gabi.
Kasama ang mga tauhan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI), ikinasa ang pagpapatrolya sa mga lugar na pinaniniwalaang laganap pa rin ang bentahan ng mga gulay na ipinuslit sa bansa mula sa Tsina.
Ayon kay Customs Intelligence Officer Alfredo Mil, hindi na bago sa kawanihan ang pagsasagawa ng inspeksyon at pagpapatrolya sa gabi, lalo pa’t karaniwan aniya ang lantarang pagbebenta ng smuggled na kalakal sa oras na sarado na ang maraming tanggapan ng pamahalaan.
“Sa pag-iikot namin ngayong gabi, may nakita kaming mga imported na mga carrots at broccoli. Hindi naman siya ganun karami, pero may nakita kami pailan-ilan, sa mga gilid gilid na nakatago kaya ito yung kinumpiska namin. Kinuha namin para at least matulungan ‘yung ating mga magsasaka,” aniya.
Gayunpaman, naniniwala si Mil na hindi hamak na mas kaunti na ngayon ang mga ibinebentang smuggled na gulay sa mga lokal na pamilihan, kasabay ng pag-amin na mayroon pa rin namang nakakalusot sa kabila ng kanilang paghihigpit.
“Mayroon tayong ginagawa sa ating mga pantalan, ito po yung pag-iinspeksyon ng agricultural products bago lumabas ng pantalan, pero po minsan may nakakalusot talaga kasi sa
sobrang dami,” ani Mil.
Ayon naman sa DA, malaki ang epekto ng mga smuggled na gulay sa mga magsasaka dahil hindi ang mga ito makasabay sa presyo ng mga imported na gulay na mas murang mabibili sa mga palengke.
“Kino-compete nila ang presyo ng ating local market kaya nagrereklamo ‘yung ating mga farmer sa Benguet,” ani Serapio Garabiles Jr. ng Sub-Task Group on Economic Intelligence na pinamumunuan ng DA.
Binabantayan na rin aniya nila ang pagpasok sa bansa ng mga imported na sibuyas matapos ang napaulat na pagtatapon ng sako-sakong sibuyas ng
mga magsasaka sa Occidental Mindoro.
289