Pangako sa Occidental Mindoro BBM MAY SOLUSYON SA PROBLEMA SA KURYENTE

PAGSASAAYOS sa problema sa kuryente ang pangako ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga taga-Occidental Mindoro kapag siya ang nanalo sa darating na halalan sa Mayo 9.

Sa pagpapatuloy ng UniTeam na mag-ikot at dalhin ang mensahe ng pagkakaisa sa mga tao hanggang sa huling araw ng pangangampanya, kumbinsido si Marcos na ang pinakamabilis na paraan upang umunlad ang isang lalawigan ay ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente dahil ito ang magbibigay buhay sa mga aktibidad na may kinalaman sa kalakalan at komersyo.

“Natanggap ko ang listahan ninyo, sa Occidental Mindoro ang inaalala ng tao, number one kailangan ang susunod na administrasyon ay makahanap ng paraan na bawasan ang singil ng kuryente sa taumbayan para makita natin na hindi masyadong nahihirapan ang mga tao,” sabi niya sa harap ng mga taga-suporta ng UniTeam.

“Balita ko dito madalas ang brown out. Kailangan nating ayusin yan, napakalaking problema niyan,” wika pa niya.

Maliban sa problema sa kuryente ay nangako din si Marcos na buong suporta ang ibibigay niya sa mga programang pang- agrikultura, kalusugan at edukasyon sa lalawigan.

Maliban sa ginanap na UniTeam rally sa Capitol Grounds, binisita din niya ang headquarters ng partido nila kung saan mainit din siya tinanggap ng kanyang mga taga-suporta.

Sinabi naman ni Governor Eduardo Gadiano na 101% ang suportang ibibigay ng Occidental Mindoro para kay Marcos.

“Napakaswerte natin na tayo ang unang binisita sa Mimaropa. Ang Occidental Mindoro ay 101% na sumusuporta sa ating magiging presidente, Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos,” sabi niya.

Dagdag pa ni Gadiano na kaisa ang Occidental Mindoro sa layunin ni Marcos na pagkakaisa para sa buong bansa.

Nagpasalamat si Marcos sa mga taga- Occidental Mindoro sa kanilang mainit na suporta, sa paghihintay at pagtanggap sa kanya.

“Nagpapasalamat ang lahat ng UniTeam at tsaka ang tambalang Marcos- Duterte sa mainit na suportang ibinibigay niyo sa amin ngayong araw na ‘to,” sabi niya.

“Napakalakas ng suporta ng Mamburao, ng buong Occidental Mindoro para sa UniTeam. Kami po lahat ay nag-iikot sa buong Pilipinas at aming sinisigaw at dala ang mensahe ng pagkakaisa” dagdag ni Marcos na nagpahiyaw sa mga tao at sabay sabay nilang sinigaw ang “BBM”.

Ayon sa kanya, nakarating na sa Occidental Mindoro ang mensahe ng pagkakaisa na hatid ng UniTeam.

Matapos ang event sa Occidental Mindoro ay nagtungo naman si Marcos sa sunod na rally ng UniTeam na ginanap sa Calapan, Oriental Mindoro kung saan libong taga-suporta ng UniTeam ang sumalubong sa kanya.

211

Related posts

Leave a Comment