HALOS walong libong metriko toneladang sibuyas mula sa ibang bansa ang pinayagan umano ng Bureau of Plant and Industry (BPI) na mailabas kaya naapektuhan ang mga lokal na magsasaka.
Itinuturing ni House assistant minority leader Argel Cabatbat na ‘smuggled” ang mga ito.
Sinita rin ng mambabatas ang BPI sa pagpayag umanong ma-release ang 7,800 toneladang sibuyas kahit walang karampatang papel at clearance.
Sa briefing ng House committee on ways and means, inamin ni Jesusa Ascutia ng BPI-National Plant Quarantine Services Division na may pinayagan silang i-release sa kabila ng expired na Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) nito.
Sinabi ni BPI Director George Culaste na ang kanilang in-issue na SPSIC ay may validity lamang na hanggang Dec 31, 2021 at walang dapat dumating na sibuyas sa buwan ng Enero at Pebrero dahil anihan ito ng sibuyas.
Kinuwestiyon ni Cabatbat ang BPI dahil nagpapasok ang mga ito ng mahigit 7,800 metric tons nitong taon lamang kahit paso na ang SPSIC nito.
Sa depensa ni Ascutia, may lehitimong justification ang importers sa pagkaantala ng shipment ng sibuyas kaya kahit expired na ang SPSIC ay pinapasok niya ito subalit nang tanungin kung siya ba dapat ang magdesisyon nito o ang nag-issue ng SPSIC, hindi ito nakasagot.
“Maaaring maharap ang sinoman na walang hawak na SPSIC o lumalabag sa anomang guidelines ng pagi-import sa economic sabotage. Sa sibuyas na lang, ilang libong magsasaka ang nalugi dahil ipinilit ipasok ang imports na ‘yan?” banta ni Cabatbat.
Kamakailan lamang, napilitan ang mga magsasaka partikular sa Oriental Mindoro at Nueva Ecija na ibenta nang palugi o itapon ang kanilang aning sibuyas dahil sa oversupply at pambabarat ng traders. (BERNARD TAGUINOD)
129