ONLINE APPLICATION NG VOTERS SA RIZAL, ‘DI NAAPRUBAHAN

MALAMANG na hindi makaboto ngayong May 9, 2022 national and local elections ang ilang botante sa lalawigan ng Rizal makaraang hindi maproseso ng lokal na Commission on Elections (Comelec) ang kanilang online application na isa sa dahilan ay ang kawalan ng ‘internet signal’ ng mga opisina ng komisyon.

Noong Marso 2022, nagpadala ng liham ang Provincial Election Supervisor ng Rizal sa Comelec en banc na humihingi ng rekomendasyon kung ano ang gagawin sa mga hindi naaprubahang online application. Dito ay pinagpaliwanag ng en banc ang PES ng Rizal kung bakit hindi naproseso ang mga aplikasyon.

Sa tugon ni Atty. Mitzele Veron Morales-Castro, provincial election supervisor, pangunahing dahilan ang kawalan ng internet connection ng ilan nilang mga opisina para iproseso ang mga aplikasyon.

Kasama rin sa dahilan ang kabiguan ng aplikante na maisumite ang lahat ng kinakailangang dokumento at kabiguan na magpakita sa iskedyul ng online verification.

Gumawa naman umano ng paraan ang election officers na makontak ang mga aplikante ngunit nabigo sila dahil hindi tumutugon sa kanilang cellular phone number at maging sa Facebook accounts.

Isa lamang ang kanilang nakontak at nagawa namang maipaliwanag ng maayos ang mga dahilan kung bakit hindi naproseso ang kanilang aplikasyon na tinanggap naman umano ng aplikante.

Dahil dito, kailangang muling mag-aplay ang mga aplikante ng kanilang ‘re-activation’ sa oras na muling magpatuloy ang sistema sa online registration pagkatapos ng halalan sa Mayo 9. (RENE CRISOSTOMO)

226

Related posts

Leave a Comment