BADING PATAY SA BUGBOG NG 4 TOTOY

patay

BATANGAS – Namatay ang isang miyembro ng LGBTQ matapos na pagtulungang bugbugin ng apat na menor de edad na lalaki sa bayan ng Taal sa lalawigang ito, noong Linggo ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang si Malvin Araja, kilala sa mga alyas na “Marga”, “Janine” at “Eva”, umano’y isang bading.

Batay sa report ng Taal Police Station, nakasagutan ng biktima ang apat na menor de edad na sina Gander, 16; Ram Rein, 15; Jayvee, 15, at Mark John, 16, pasado alas-dose ng madaling araw sa Brgy. Zone 5, sa nasabing bayan.

Binugbog umano ng apat na mga suspek ang biktima hanggang sa mawalan ito ng malay. Isinugod ang biktima sa isang ospital sa Lemery dahil sa pinsala sa kanyang ulo.

Ngunit nalagutan ng hininga ang biktima matapos ang kalahating oras habang nilalapatan ng lunas.

Inaresto naman ng awtoridad ang mga suspek at dinala sa tanggapan ng DSWD sa bayan ng Lemery.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang mga suspek kung ano ang pinagsimulan ng kaguluhan na nauwi sa pambubugbog nila sa biktima. (NILOU DEL CARMEN)

153

Related posts

Leave a Comment