SA hudyat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nangangasiwa sa larangan ng pagtataya ng panahon sa humigit kumulang 7,100 isla ng Pilipinas, ganap nang nag-umpisa ang panahon ng tag-ulan.
Ayon sa mga dalubhasa sa pagtataya ng lagay ng panahon, daranas tayo ng higit pa sa karaniwang buhos ng ulan dulot ng tinatawag na La Niña phenomenon. Sa madaling salita, mas mabigat ang buhos ng ulan na kalakip ng higit na maraming bagyong papasok sa ating bansa.
Ang totoo, kailangan natin ang ulan lalo pa’t ang Pilipinas ay klasipikado bilang isang bansang nakasandig sa agrikultura. Gayunpaman, ang labis na pag-ulan din ang nakikitang dahilan ng pagkawasak ng mga sakahan, bukod pa sa peligro at perwisyong dala ng pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa urbanisadong mga bahagi ng bansa, higit na mataas ang antas ng perwisyo ng pagbaha dahil sa pagkakalbo ng mga kagubatang dapat sana’y kumokontrol sa pag-agos ng tubig mula sa mataas na bahagi ng mga lalawigang nakapalibot sa Metro Manila.
Bukod sa nakakalbong kagubatan, perwisyo rin ang dulot ng sandamakmak na mga basurang sumasakal sa mga daluyan ng tubig patungo sa mga lawa at karagatan.
Ang tanong – ano nga ba ang angkop na solusyon kontra sa peligro ng mga bagyo at pagbaha?
Ang sagot – bagamat walang agarang solusyon, may magagawa naman ang pamahalaan para maibsan ang perwisyo. ‘Yan ay kung mayroong komprehensibong long-term plan na maipatutupad ang gobyerno, tulad ng mga flood-control infrastructure, mabisang sistema ng pagkolekta (kung hindi man kayang bawasan) ng basura at ang pinakamahalaga sa lahat – disiplina ng bawat isa.
Ang masaklap, sa kabila ng mahabang talaan ng mga batas na nagbibigay ng garantisadong pondo, mga kalakip na reglamento at mekanismong binalangkas sa hangaring maiwasan ang peligro at perwisyo, nanatili ang problema sa tuwing sasapit ang tag-ulan.
Sa puntong ito, walang ibang pwedeng gawin ang mamamayan kundi magtiis o ‘di naman kaya’y magkanya-kanyang diskarte upang maiwasan ang perwisyong dala ng Dobol B – basura at baha.
Maliban na lang kung handa tayong lumangoy sa dagat ng basura.
