NAAPEKTUHAN ng isang sakunang pangkalusugan ang buong mundo.
Kumalat ang COVID-19 virus. Walang pinipili – matanda o bata. Tumaas ang bilang ng nagkakasakit at dumami ang binawian ng buhay.
Inirekomenda ng World Health Organization ang mga hakbang tulad ng isolation, contact tracing, social distance, face masks, face shield, paghugas ng kamay at iba pang panukalang pangkalusugan upang mabawasan ang panganib.
Banta ang epidemya sa anumang aspeto ng buhay ng tao. Naging sanhi ito ng limitasyon ng paglalakbay, krisis sa ekonomiya, maling impormasyon, mga paniniwala at saloobin, at pagsasara ng mga eskwelahan.
Ang sistema ng edukasyon ang higit na naapektuhan.
Upang mapigilan ang COVID-19 at mabawasan ang panganib ng impeksyon, karamihan sa mga bansa ay nag-utos ng pagsasara ng mga eskwelahan. Naapektuhan ang 28 milyong mag-aaral sa Pilipinas. Ipinatupad ang online learning system.
Ang pag-aaral sa internet ay may kaakibat ding panganib, pangamba at hirap para sa mga guro at estudyante.
Maraming eskuwelahan, kabilang ang elementarya, ang bumaling sa pagtuturo sa pamamagitan ng online na klase na kinabibilangan ng modular na kasama ang pagtuturo gamit ang radyo o blended learning. Malaking ginhawa ang pagtuturo sa online, ngunit hindi ito nagpapaunlad ng aktibong pagkatuto o pakikipag-ugnayan sa parte ng mga mag-aaral.
Bilang pagtugon sa bagong anyo ng pagtuturo – online class at paggamit ng module at radyo, at preparasyon sa blended learning, kaming mga guro ay sumailalim sa webinar.
Ang module na binibigay sa mga mag-aaral ay dinagdagan ng radio-based na pagtuturo kung saan ang mga pupil ay nakikinig sa radyo habang sinasagutan ang mga tanong sa module.
May itinatakda kaming panahon para sa submission at retrieval ng module at learning activity sheet. May itinakda kaming health protocol para sa mga magulang o guardian ng mga mag-aaral na naghahatid at kumukuha ng module.
Ngayon, sinusuri at pinag-aaralan ang aming kahandaan na magpapatunay na pumasa kami para pairalin na ang face-to-face na klase.
Bilang pagsunod sa mga tagubilin para sa face-to-face na pagtuturo, naglagay kami ng handwashing area pagkapasok sa paaralan. Inihanda na rin ang mga trash bin. Naglagay din kami ng marking at signages na may kinalaman sa COVID-19.
Ang mga marka o palatandaan ay gabay sa mga mag-aaral sa pagpasok sa kanilang silid-aralan. May entrance at exit na markings. Gumawa kami ng isolation room na may CR. Mayroon ding clinic.
Nagkaroon kami ng simulation o praktis hinggil sa mangyayari sa pagbubukas ng klase.
Katuwang din namin sa aming pagpupunyagi ang mga miyembro ng konseho ng barangay na tumugon sa hiningi naming tulong.
CHERRY R.CIRON
Teacher III
CEPRES ELEMENTARY SCHOOL
POLANGUI, ALBAY
TINATALAKAY ng mga guro ng Cepres Elementary School, sa pangunguna ni Cherry R. Ciron, ang paghahanda nila sa face-to-face na klase.
