Isapribado na lang – solon WORST RATING NG NAIA IKINADISMAYA

UMALMA ang Department of Transportation (DOTr) at kinuwestyon ang basehan ng pag-aaral isang American luggage app kung bakit nito itinuring na world’s worst airport para sa business class travelers ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa nasabing pag-aaral, nakakuha ang NAIA ng 0.88/10 business class score at nasa ika-38 pwesto mula sa 38 mga paliparan sa buong mundo.

Naging basehan sa pag-aaral ang bilang ng mga lounge, bilang ng destinasyon, percentage ng on-time flights kada taon at ang rating mula sa Skytrax (UK-based consultancy) maging ang pinagsama-samang reviews sa pamamagitan ng blog na businessclass.com.

Bilang tugon, ipinaliwanag ng DOTr na isang destination airport ang NAIA at hindi hub airport kaya wala itong masyadong business class lounges.

Lumalabas din sa masusing pananaliksik ng DOTr sa businessclass.com website na walang reviews maski ratings na tungkol sa NAIA.

Pagdating naman sa bilang ng mga destinasyon, sinabi ng DOTr na idinidikta ito at tinutukoy sa pamamagitan ng bilateral at air services negotiations.

Hindi rin anila resonable na gawing batayan ang on-time performance para bigyan ng worst rating ang NAIA.

Kaugnay nito, binuhay ng isang ekonomistang mambabatas sa Kamara ang mungkahing isapribado ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang magkaroon ng bagong revenues at mapaluwag ang Metro Manila.

Ginawa ni House committee on ways and means chairman Joey Salceda ang mungkahi bilang tugon sa tanong kung papaano mapagagaan ng administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang epekto ng COVID-19 sa pananalapi.

“We should consider privatizing the NAIA. And let me clarify: I don’t mean just an outright sale, if the incoming President is uncomfortable with disposing government properties. We can adopt the New Clark City approach of master-planning in the area, profiting from the sale of development rights, rental income, appreciating value due to new business activity, and other non-sale means,” ayon sa mambabatas.

Ang NAIA ay may lawak na 625 ektarya na doble ang laki sa Bonifacio Global City kaya marami umanong potensyal ang nasabing lugar para makapag-akyat ng bagong revenue sa gobyerno.

Plano rong ilipat ang paliparan sa Bulacan at Clark, Pampanga na tiyak magpapaluwag sa daloy ng trapiko.

Gayunpaman, kailangan sabayan aniya ito ng redevelopment at magkaroon ng bagong North-South at East-West sa pamamagitan ng railways sa National Capital Region (NCR). (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

148

Related posts

Leave a Comment