PUNA Ni JOEL AMONGO
NAGPAPAKITA lamang na walang diskriminasyon sa ilalim ng papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., maging mainstream media man o bloggers.
Ito ay dahil inaasikaso na ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles ang akreditasyon ng ilang bloggers na papayagang dumalo sa press briefings ng administrasyong Marcos.
“We are pushing for the accreditation of bloggers to be invited to some of the briefings especially those conducted by the president. ‘Yun ang isa sa aming na-formulate na priority for the incoming PCOO”, ani Cruz-Angeles.
Nitong nakaraang Huwebes, Hunyo 2, 2022 ay isinulat natin dito sa PUNA na malaki ang naging kontribusyon ng social media sa dalawang nanalong presidente.
Sila ay sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at incoming President BBM.
Silang dalawa ay dehado sa mga balita sa mainstream media, subalit napakalakas nila sa social media.
Nariyan ang mga Facebook Live at YouTube channels na nagtatanggol sa kanilang dalawa.
Bagama’t ganun ang pagtrato sa kanila ng mainstream media ay hindi itong naging hadlang para maiparating nila ang kanilang plataporma sa mga ordinaryong mamamayan.
Sa kabila nito ay lalo pang lumakas ang kanilang nais iparating sa mga botante na awtomatikong pumapasok sa mga gadget ng ordinaryong mamamayan.
Marahil ito ang naging basehan ng kampo ni BBM na bigyang pansin ang social media partikular ang bloggers na isama na mag-cover sa media briefings ng papasok na Pangulo.
Naalala ko tuloy nang ma-elect akong presidente ng DILG Press Corps noong 2017.
Sinabi ko sa sarili ko na wala akong pipiliin na tatanggapin na maging miyembro ng Press Corps, pati ang bloggers ay isasama ko.
Alam ko kasi ang naging papel ng social media o bloggers sa pagkapanalo ni PRRD at naniniwala rin ako na lalo pa itong lalakas sa susunod na mga panahon.
Hindi nga tayo nagkamali dahil nitong nakalipas na May 9, 2022 national and local elections ay lalo pa nitong ipinakita ang kanilang naiambag sa 31 million na nakuhang boto ni BBM.
Ang kaibahan nga lang sa dalawang nanalong presidente sa kanilang PCOO, sa ilalim ng administrasyon ni BBM ay bibigyan ng pagkakataon ang bloggers na makasama sa press briefings ng batang Marcos.
Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte ay may isang mataas na opisyal ng PCOO na sa halip na kilalanin ang bloggers ay binansagan pa niya itong mga “Haoshiao”.
Sa ilalim ng administrasyon pa man din ni Pangulong Duterte nabuo ang Presidential Task Force on Media Security na kung saan nakalagay sa Executive Order 1 na nilagdaan ni PRRD, na isa sa mga dapat protektahan ng PTFoMS ay ang social media (bloggers).
Kaya hindi nagkamali sa pagtulong ang bloggers kay BBM na nagresulta ng pagkapanalo nito, dahil kinikilala sila na malaki ang kanilang naging ambag sa kanyang kandidatura.
Nagpapatunay lamang na epektibo at totoo ang panawagan ni BBM na pagkakaisa (unity).
Mabuhay ang mga Pilipino!
Mabuhay ang papasok na administrasyon!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
