IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO
SA pagtatapos ng termino ng punong ehekutibong nagtalaga sa kanila sa pwesto, higit na angkop na sabay rin silang magpaalam sa kani-kanilang tanggapan sa gobyerno.
Pero sa Bureau of Customs (BOC), iba ang uso. Dangan naman kasi, may ilang district collectors na pilit nagkukumapit sa kanilang trono. Bakit kamo? Nanghihinayang siguro sa mawawalang ganansiyang mula sa kanilang diskarteng pilipit sa nasasakupang distrito.
Habang ang kanilang puwit ay nakapagkit, patuloy naman ang paggapang ng mga switik. Ang kanilang puntirya – papirmahin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang dokumentong hudyat para sila’y manatili sa pwesto.
Kabilang sa mga takot mabawasan ang ganansya ang mga district collectors na nakatalaga sa Mindanao. Ang siste, nanggagalaiti pala ang mga naturang opisyal sa atin, bunsod marahil ng mga nakalipas kong pitak kung saan sila’y bahagya kong inasinta kaugnay ng kanilang ipinamalas na kapalpakan at katakawan, gamit ang kanilang pwesto.
Hagip ko sa nasabing artikulo ang usapin hinggil sa nawawalang container vans na naglalaman ng mga pekeng sigarilyo. Saan nga ba napunta ang mga mahiwagang kargamento? Ang totoo, hindi ko alam pero ang sigurado, nakabili ako ng mga ito sa mga pamilihang bayan sa loob ng kanilang nasasakupang distrito.
Hindi pa roon nagtapos ang kwento. Bumaha rin ng ukay-ukay sa Mindanao na para bang walang batas na nagbabawal sa pag-angkat ng mga kasuotang segunda-mano.
Kung ako ang tatanungin, kumbinsido rin marahil ang mga damuhong na ‘di sila itatalaga ni Marcos Jr. sa pwesto. Hindi tanga ang Pangulo. Bago pa man nanumpa bilang
ika-17 Pangulo, batid niya ang problema sa BOC, at ‘yan mismo ang kanyang pagbuhusan ng panahon – ang tunay na pagbabagong tuluyang kakapon sa mga kulapo at maninindikatong nasa pwesto.
Kung susuriing maigi, mas lamang na delaying tactics na lang ang kanilang pagsusumite ng aplikasyon at hiling na reappointment sa pwesto. Ang totoong motibo, makapag-ipon pa ng pondong higit pa sa kanilang natamo.
Ang nakakatawa, isa sa kanila, pwestong iiwan ni Customs Commissioner Rey Leonardo ang puntirya!
Hay naku, kung may ranggo ang kapal ng mukha, siguradong heneral ang walanghiya!
