‘PAC-YOO’ EXHIBITION; ‘ESPI’ MAGKA-COMEBACK?

ROLL VTR Ni VT ROMANO

MULI nang aakyat sa boxing ring si former eight-division world champion Manny Pacquiao sa Disyembre.

Gaya ng mga naisulat na, isang exhibition match ito laban kay Korean Youtuber DK Yoo.

Kaya nga tatawagin itong ‘Pac-Yoo’ clash!

Kagagaling lang ni Pacquiao sa Europe tour kasama ang pamilya, kung saan pumasyal sila with wife Jinkee, sons Michael and Israel and daughters Princess at Quennie.

Hindi nakasama si Jimuel (panganay na anak) dahil nasa USA ito.

Tumuloy si Jinkee at mga anak sa Los Angeles, California upang dalawin si Jimuel doon, habang si Manny ay bumalik na ng Pilipinas.

Pormal na inihayag ang ‘Pac-Yoo’ exhibition clash sa pamamagitan ng press ­conference nitong nakaraang Biyernes sa BGC (Taguig).

Nilinaw ng 43-anyos at ­dating senador, wala sa isip niya ang bumalik sa regular boxing bouts.

Sa ngayon, aniya, kuntento syang magsagawa ng exhibition matches upang makalikom ng pondo na ilalaan sa mga proyektong nasimulan niya noong nakaupo pa bilang senador.

Si Pacquiao ay bigo sa Presidential election noong Mayo.

At natapos din ang kanyang termino sa pagka-senador.

May mga fans ang humihi­ling ng pagbabalik-boksing ni Pacquiao, kasunod ng pagka­lagas ng world champions ng Pilipinas nito lang nagdaang ilang buwan, gaya nina Jerwin Ancajas, Nonito Donaire, Pedro Taduran at Mark Magsayo.

Si John Riel Casimero ay tinanggalan naman ng korona.

Tinangka ni former world champion Donnie Nietes makabalik bilang kampeon, ngunit bigo siya sa kamay ni Kazuto Ioka ng Japan, sa kanilang WBO junior bantamweight encounter nito lang July 13 sa Tokyo.

Para sa boxing fans, si Pacquiao lamang ang makapagbabalik ng swerte sa Philippine boxing.

Nagretiro si Pacquiao noong Setyembre 2021 matapos ang laban at matalo kay Yordenis Ugas sa Las Vegas.

Ang pagreretiro ni Pacquiao ay may kinalaman din sa ­pag-­hahanda niya sa nakaraang eleksyon.

Sa edad 43 at sa dami na ng kanyang pinagdaanan at naibigay na karangalan sa Pilipinas, hindi na kailangang lumaban (regular boxing) ni Pacquiao.

Tama lamang na manatili siyang retirado.

Sapat na ‘yung exhibition match na gagawin niya, gaya ng ginagawa ni Floyd Mayweather at iba pang nagretirong mga boksingero.

Huwag na nating ilagay sa peligro ang buhay ni Pacquiao. Hayaan nating mag-enjoy na lamang siya sa mga exhibition bouts.

***

PANIWALA naman ni Buboy Fernandez, longtime trainer at kababata ni Pacquiao, ang exhibition match kay Yoo ay daan para sa pagbabalik sa boksing ng dating senador.

Sang-ayon si Fernandez sakaling magdesisyon si Pacquiao mag-unretire, lumaban sa huling pagkakataon.

Naniniwala si Fernandez kaya pang manalo ni Pacquiao at pagkatapos, tuluyan nang magretiro.

***

KUNG si Pacquiao exhibition bout ang pinaghahandaan, ito namang si Luisito Espinosa ay hindi.

Nang makausap natin ang dating two-time world champion (last week), tila seryoso ito na mag-comeback.

Edad 55 si Espinosa, pero, kaya pa raw niya at nais niyang patunayan hindi pa siya laos.

Joke lang ba ang nais niyang muling paglaban?!

Medical clearance lamang aniya ang kailangan para makapag-comeback siya.

Ayaw niya ng exhibition match. Ayaw rin niyang lumaban as an eight-rounder, 10 rounds ang nais niyang labanan.

Napapailing tayo sa mga sinabi niya.

Hindi dahil wala tayong bilib sa kanyang kakayahan. Pero, dapat maunawaan ni Espinosa, lipas na ang kanyang panahon.

Delikado sa katulad niyang matagal nang panahong na­wala sa boksing at magbabalik para muling lumaban. Idagdag pa ang kanyang edad.

Naniniwala rin tayong hindi ilalagay ng GAB (Games and Amusement Board) sa peligro ang buhay ni Espinosa at hindi papayagan o bibigyan ng lisensya ng ahensya ang dating kampeon.

Sana kung sinuman ang mga taong nasa likod ni Espinosa ngayon, huwag nilang gamitin ang dating kampeon. Mas makatutulong sila kung hindi sasang-ayunan ang nais nitong muling pag-akyat sa ring para lumaban.

131

Related posts

Leave a Comment