SA kabila ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea (WPS), patuloy na iginiit ng Philippine Coast Guard (PCG) na ilegal ang mga aksyon ng Chinese Coast Guard (CCG) at paglabag ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kung saan isa ang China sa lumagda.
Kasunod ito ng ginawang pagpalit ng binansagang “Monster ship” ng China nitong Sabado, Pebrero 1 sa China Coast Guard vessel 3304 na ilegal na nag-operate malapit sa Zambales.
Sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na matagumpay na naitaboy ng BRP Teresa Magbanua ang CCG 3304 mula sa coastline ng Zambales at epektibong napanatili ng barko ng Pilipinas ang distansya ng monster ship na tinatayang 110-115 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Nananatili rin aniyang hindi natitinag ang crew na sakay ng BRP Teresa Magbanua sa presensiya ng dambuhalang barko ng China at nagpakita ng pambihirang katapangan at paninindigan. (JULIET PACOT)
13