SINABI ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na walang pabonggahan ng damit sa mga dadalo sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam bago ang SONA, sinabi ni Cruz-Angeles na ang pagsusuot ng damit na Filipiniana ay bahagi lamang ng panghihikayat na muling buhayin ang traditional industries.
“Who are the more glamorous secretaries? Well, hindi what am I expecting. Ganito yan no, the reason we encouraged Filipiniana is to revive the traditional industries, yung piña weaving natin, to also give our designers a venue for the expression of their creativity, and in that sense also to contribute to the economy,” ayon kay Cruz-Angeles.
Samantala, ang designer ng suot na Filipiniana ni Cruz-Angeles ay si Dobie Aranda.
Isang tradisyunal na terno naman na dinisenyo ng tanyag na designer na si Lesley Mobo ang suot ng maybahay ni First Lady Louise Araneta-Marcos.
Rampa sa Senado
Simpleng mga kasuotan din na gawang lokal ang naging tema sa pagbubukas ng 19th Congress sa Senado.
Itinampok ni Senador Imee Marcos sa kanyang kasuotan ang mga magsasakang patuloy anyang binabayo ng iba’t ibang isyu.
Suot ni Marcos ang Ready-To-Wear outfit na dinisenyo ni Edgar Buyan na taga-Davao kung saan nakaimprenta ang larawan ng mga magsasaka na nagbabayo ng palay.
Ipinakita naman ni Senador Grace Poe ang kanyang ‘black and white’ gown na gawa ni Marga Nograles ng Kaayo habang suot din ang pares ng hikaw na mula pa sa kanyang inang si Ginang Susan Roces.
Isang mahabang Filipiniana Sampaguita-inspired gown naman ang suot ni Senador Nancy Binay habang isang dress na gawa sa Yakan fabric mula sa Zamboanga City na gawa ni OJ Hofer ang suot ni Senador Pia Cayetano.
Modernong baro’t saya naman na gawa sa Aklan Piña fabric at hand-embroidered sa Lumban, Laguna ng designer na si Joel Acebuche ang isinuot ni Senador Risa Hontiveros na tinernuhan nito ng hand-woven Tikog bag mula sa Samar at pares ng Marikina-made pumps.
Traditional outfit din ang isinuot ni Senador Loren Legarda na isang kimono na may ternong handwoven pina seda na may traditional hand-embroidered full calladona may alsado multipurpose tapis na gawa ni Patis Tesoro, dalawang dekada na ang nakalilipas.
Isang simpleng off white dress naman ang suot ni Senador Cynthia Villar.
Sa hanay ng mga lalaking senador, halos lahat ay nakasuot lamang ng simpleng barong tagalog kabilang sina Senate President Migz Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senators Jinggoy Estrada, Bong Go, Chiz Escudero, Bong Revilla, Francis Tolentino, Sonny Angara, Alan Peter Cayetano, Raffy Tulfo, Mark Villar, Lito Lapid, Koko Pimentel, Sherwin Gatchalian
Suot naman ni Senador Ronald Bato dela Rosa ang isang barong tagalog na gawa ng Davao based designer Edgar Buyan na may burdang asul sa sleeves habang si Senador JV Ejercito ay nagsuot ng barong tagalog na gawa ni Cocoy Lizaso mula sa Sta. Maria, Bulacan at isang barong mula sa Onesimus ang suot ni Senador Robin Padilla. (CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)