SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
HINDI maitatanggi na ang mga lugar na sakop ng mga bayan sa lalawigan ng Rizal ay nagsimula pa sa panahon ng mga Kastila.
Sinasabi naman ng ilan sa nakaaalam na ang pinagmulan ng pangalan ng “Angono” ay ang salitang “Ang Nuno” na ang ibig sabihin ay “grand old man.”
May mga lumabas ding mga kuwentong nagpasalin-salin na ang “Angono” ay nagmula sa salitang “Anggo” na amoy na panis na gatas ng baka.
Ang paring misyonaryo naman na si Padre Chirino ay nagsabi na ang Angono ay isinama at naging isang barangay sa Binangonan upang ang mamamayan dito ay magbayad ng buwis at matulungan ang mga misyonaryong tulad niya.
Kung hindi ako nagkakamali, taong 1753 ay nagkaroon ng chaplain ang Visita de Angono.
Hindi naglaon ay nabigyan ito ng lisensiya mula sa Superior Gobierno upang bumuo ng isang malayang bayan at naging daan iyon upang ang Angono ay mahiwalay sa Binangonan.
Ganap itong naging bayan noong 1766. Ngayon, maunlad na ang Angono dahil sa mga namumuno rito tulad na lamang ni concurrent Vice Mayor Gerardo “Gerry” Calderon.
Maski anong giba ng mga kalaban dito, hindi sila nagtatagumpay dahil mahal ng mga taga-Angono si Calderon at ang kanilang pamilya.
Kamakailan nga, nanindigan ang Office of the Ombudsman na pag-aari ng pamahalaan ang mga pantalan at legal ang paggamit dito ng gobyerno.
Kasabay nito, pinawalang-sala ng anti-graft body si Calderon sa mga kinakaharap na kasong graft, grave misconduct at abused of authority na isinampa ng isang Cecilia Del Castillo.
Si ex-Mayor Calderon na ngayo’y VM ay ama ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Jeri Mae Calderon.
Nag-ugat ang kaso dahil daw sa pagsakop ng lokal na pamahalaan sa property ni Del Castillo sa itinatayong Lakeside Eco-Park para sa easement ng Laguna de Bay noong 2017.
Batay sa siyam na pahinang resolusyon, binanggit ng Ombudsman na ibinasura ang kaso batay sa Presidential Decree 1067 na nagtatakda na ang 20-meter easement sa bawat panig ng ilog at mga creek, at 40-meter easement para sa bays and lakes, ay hindi maaaring ariin o sakupin ng mga pribadong korporasyon o indibidwal.
Bukod dito, sinuri nang husto ng Ombudsman ang reklamo ni Castillo at napatunayan na ang kinukuwestiyong lugar ay protektado ng easement law.
Kaya naman, lusot din ang dating alkalde sa alegasyon ni Castillo na pinayagan niya ang informal settler families (ISFs) na manirahan sa property ng complaint lalo pa’t napatunayan sa imbestigasyon na ang caretaker nito ang nagbenta sa property at pumayag na manirahan doon ang ISFs kapalit ng malaking bayad.
Hindi nga nagkamali ang mga tao sa pagsuporta sa mga Calderon, siyempre, sa pangunguna ng butihing dating alkalde na si Vice Mayor Gerry dahil natapos na ang Angono Lakeside Park project.
At ang magandang balita, isa na ito sa major tourist attractions sa lalawigan ng Rizal.
