QUEZON – Apat na katao ang namatay at lima ang nasugatan matapos makasalpukan ng isang truck ang dalawang tricycle sa Maharlika highway sa Barangay Ikirin, sa bayan ng sa lalawigang ito, nitong Miyerkoles.
Batay sa imbestigasyon ng Pagbilao Police, dakong alas-9:00 ng umaga, nasabitan ng elf truck na minamaneho ng 42-anyos na si Junior Rafael Jovinal , ang tricycle na minamaneho ng 24-anyos na si Marvin Aro Lopez na may apat na pasahero, kabilang ang isang bata.
Base sa kuha ng CCTV sa lugar, galing sa kurbadang bahagi ng highway ang tricycle at halos sakop nito ang kabilang lane kaya bumangga ito sa kasalubong na northbound elf truck.
Sa lakas ng pagkasalpok, tumilapon ang tricycle at naitulak patungo sa kasunod na isa ring tricycle na minamaneho ni Allan Jay Cordero Rey, 42-anyos, na may isang pasahero.
Dumanas ng grabeng pinsala ang mga sakay ng unang tricycle matapos na ang mga ito ay tumilapon sa kalsada.
Isinugod ang mga ito sa ospital sa Lucena City ng mga tauhan ng Pagbilao MDRRMO subalit idineklarang dead on arrival ang apat kinilalang sina Teodoro Balitaan; Justina Balitaan, 65; Maryrose Ravano, 30, at ang 5-anyos si Princes Lara Lopez, mga residente ng Barangay Binahaan, Pagbilao.
Malubha ring nasugatan ang driver na si Lopez at isa pa sa mga pasahero na si Marilyn Lopez, 48-anyos.
Samatala, sugatan din ang driver ng pangalawang tricycle na si Rey, 42, at ang pasahero nito na si Nilda Peñarubia, 56, kapwa taga Barangay Pinagbayanan, Pagbilao.
Nasugatan din sa kanyang mga paa ang nagmamaneho ng truck na si Jovinal na taga Lucena City. (NILOU DEL CARMEN)
