WALONG teams, tatlo ay binubuo ng pure-Pinoy, ang mag-aagawan sa silya sa Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 International Standalone Quest na gaganapin bukas (Setyembre 16) sa Ayala Mall sa Sta Rosa, Laguna.
Ang Quest ay isang Level 8 FIBA 3×3 event na final qualifier sa 2022 Chooks-to-Go FIBA 3×3 World Tour Cebu Masters na isasagawa sa Queen City of the South sa Oktubre 1-2 sa SM Cebu Seaside.
Kabilang sa tatlong all-Filipino squad ang Cebu Chooks nina Mac Tallo, Vince Tolentino, Brandon Ramirez at Zach Huang na katatapos lang magpartisipa sa FIBA 3×3 Penang Challenger sa Malaysia. Bigo ang koponan na umusad sa quarters matapos yumukod sa Princeton ng USA.
Magtatagisan ang walong koponan kasama ang Mongolia, Japan at Malaysia, at ang magkakampeon ay tatanggap ng US$10,000 prize at outright main draw seat sa Cebu Masters.
Samantala, ang runners-up ay may consolation $5,000 kasama ang qualifying draw slot sa Level 10 ng torneo. (ANN ENCARNACION)
