Kasong murder naisampa na UTAK, MOTIBO SA LAPID SLAY WALA PANG LINAW

(JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)

SA kabila pa ng pagsuko ng aminadong salarin sa likod ng pamamaslang sa batikang komentarista, nanatiling blangko ang binuong Special Investigation Task Group sa pagkakakilanlan ng mastermind at motibo.

Gayunpaman, tiniyak ng SITG na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa layuning ganap na malutas ang naturang kaso.

Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, masyado pang maaga para magbigay ng konklusibong pahayag hinggil sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa pagpatay kay Percival Mabasa na mas kilala bilang Percy Lapid.

Aniya, walang nasasayang na sandali ang Philippine National Police (PNP)sa malalim at detalyadong pagsisiyasat, matapos inguso ng sumukong suspek na si Joel Escorial ang isang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) na di umano’y direktang nakikipag-ugnayan sa mastermind.

Para sa Kalihim, higit na kailangan maging maingat ang kapulisan sa paglalabas ng anomang pahayag – hangga’t hindi pa ganap na natatapos ang imbestigasyong target abutin ang pagkakakilanlan ng utak sa likod ng pamamaslang.

Dagdag pa niya, kahit pa ituga ng itinurong kontak sa NBP ang pangalan ng nagbayad para sa ulo ni Lapid, kailangan pa rin dumaan sa isang maingat na balidasyon.

Samantala, kumbinsido naman ang PNP na mahuhulog na sa kanilang kamay ang tatlong iba pang inginuso ni Escorial – isang alyas Orly at magkapatid na sila Israel at Edmon Dimaculangan.

Sa kaugnay na balita, walang anomang batik ng pagkakasangkot sa krimen si Escorial na umamin nasangkot sa anim na iba pang insidente ng pamamaslang bago sila binayaran para patayin ang beteranong komentarista.

“Based on our ongoing background investigation, so far, wala siyang criminal record,” ani SITG Commander Col. Restituto Arcangel.

Sa salaysay ng sumukong suspek, P550,000 ang kabayaran sa ulo ni Lapid. Sa naturang halaga, P140,000 diumano ang napunta sa kanya.

Kaso Isinampa sa DOJ

Kahapon ay pormal nang sinampahan ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ) ang self-confessed gunman na si Escorial at tatlong kasamahan nito.

Miyerkoles ng umaga, nagtungo sa DOJ Prosecutors Office ang kapatid ni Percy na si Roy Mabasa upang pagtibayin at personal na pirmahan ang isinampang kaso ng Southern Police District laban kay Escorial at mga kasamahan nito.

Sana Siya Na Nga

Umaasa naman ang isang mambabatas sa Kamara na ang sumukong gunman ang totoong bumaril at nakapatay sa broadcaster.

“I hope and pray the PNP (Philippine National Police) has the gunman who actually shot dead Percy Lapid,” ani House deputy minority leader Bernadeth Herrera sa gitna ng pagdududa ng marami sa sumukong si Escorial.

Sinabi rin ni Herrera na kailangang tiyakin ng PNP na solido ang kasong isasampa upang magkaroon ng katarungan sa pagpatay kay Percy.

“Their cases should be based on solid evidence, including testimony and forensic evidence, put together with honest-to-goodness investigative work,” ayon pa sa lady solon.

Ipinaliwanag nito na nakasalalay na sa PNP at mga prosecutor ang responsibilidad na patunayan na si Escorial ang totoong bumaril at nakapatay kay Percy kaya dapat siguraduhin na solido ang isasampang kaso.

Nawalang Agam-Agam

Kaugnay nito, nakumbinsi na rin ang kapatid na si Roy Mabasa, na ang sumukong gunman ang pumatay kay Percy.

Kasunod ito ng nauna nang pahayag ni Mabasa na duda siya na iisa lamang ang lalaking nakuhanan ng CCTV footage sa inilabas ng pulisya at ang self-confessed gunman na si Escorial na iniharap sa media.

Sa isang panayam kay Special Investigation Task Group (SITG) Lapid Commander at Southern Police District Director Police Brigadier General Kirby John Kraft, sinabi nitong naniniwala na si Mabasa matapos masagot ng suspek ang lahat ng katanungan niya sa isinagawang walkthrough sa crime scene bandang alas-8:00 ng gabi ng Martes.

Nagpasalamat din ang pamilya Mabasa sa PNP.

169

Related posts

Leave a Comment