75 KASO VS SMUGGLER, HOARDERS

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., 75 kaso ang pormal na inihain ng Bureau of Customs (BOC) sa mga nakalipas na buwan laban sa mga smuggler at hoarder, bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa mga mapagsamantalang negos­yante.

Sa isang panayam kama­kailan, ibinida ni BOC spokesperson Arnaldo Dela Torre ang agresibong pagtugis ng kawanihan laban sa mga sindikato sa likod ng lahat ng anyo ng smuggling at maging sa hanay ng mga opisyal at kawani ng ahensya. Ayon pa kay Dela Torre, layon ng BOC na tiyakin hindi magsisilbing sangkalan ng mga switik na kapitalista ang kapos na supply ng mga kalakal sa bansa – partikular sa mga produktong agrikultura kabilang ang bigas, asukal, gulay, sibuyas at iba pang produktong may mataas na demand sa tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan.

Gayunpaman, nilinaw ng tagapagsalita ng kawanihan na hindi maisasakatuparan ng ahensya ang direktiba ng Pangulo kung wala ang mga katuwang na tanggapan ng pamahalaan at ang mga magigiting na ope­ratiba ng BOC. Buwan ng Set­yembre nang atasan ni Marcos Jr. ang BOC na pangunahan ang pagsalakay sa mga bodega kung saan pinaniniwalaang ibinabagsak at itinatago ang mga puslit na kargamento at mga ilegal na kontrabando. (JO CALIM)

175

Related posts

Leave a Comment