MGA APEKTADO NG PAGGUHO NG SAN JUAN-BANTILAN BRIDGE DINALAW NI QUEZON GOV. HELEN TAN!

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

MABILIS na nagtungo ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Gov. Doktora Helen Tan, sa San Juan-Bantilan Bridge.

Ito’y upang kumustahin ang mga residente at personal na kumalap ng report sa mga lokal na opisyal.

Kasunod ito nang pagguho ng tulay na nagdurugtong sa San Juan, Batangas at Sariaya, Quezon.

Ayon sa nakalap nating impormasyon, nangyari raw ang insidente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Paeng bandang alas-6:00 kamakalawa ng gabi.

Sa ulat naman ng Barangay Bantilan at lokal na pamahalaan ng Sariaya, napag-alaman na bumigay ang pundasyon sa gitna ng nasabing tulay.

Bunga raw ito nang ­matinding pagragasa at mabilis na pagtaas ng antas ng tubig sa ilog dulot ng bagyo.

Nasa 13 kabahayan daw ang naapektuhan matapos kasamang gumuho ng tulay at tangayin ng tubig, kung saan ang 10 rito ay mula sa Sitio Paradahan at tatlo naman mula sa Sitio Ginting.

“Maaga po ako kanina sa Brgy. Bantilan, Sariaya, ­Quezon upang makita at makausap ang mamamayan… Nag-­collapsed po ang Bantilan Bridge ­(Nagdudugtong sa San Juan Batangas to Candelaria, Sariaya at Lucena City),” ayon kay Tan.

Nabatid naman daw mula sa DPWH Quezon 2nd Engineering District na ito ay may haba na 63 linear meters at naitayo noong 1970 pa pala.

Gawa raw ito sa “steel truss”, ayon sa masipag at matulunging gobernadora.

“Gayundin, tiningnan natin ang hanging bridge na washed-out dulot din ng Bagyong Paeng,” pahayag ng opisyal.

Sa kasalukuyan, talagang hindi na ito madaraanan ng ano mang uri ng sasakyan.

Sa kabutihang-palad, wala namang iniiulat na nasaktan sa pagguho ng tulay.

Well, sa pagkakaalam ko, maaari pa namang dumaan ang mga motorista papuntang Quezon sa pamamagitan ng Marcial Punzalan Jr. Highway na nag-uugnay sa San Juan, Batangas at Tiaong, Quezon.

Kung hindi ako nagkakamali, aba’y bukod pala sa Bantilan Bridge ay nasira nga rin ang hanging bridge patungong Sitio Sintorisan sa nasabi pa ring barangay.

Nasa 50 kabahayan naman ang apektado sa nasabing insidente.

Abangan na lang po ninyo ang karagdagang impormasyon sa Facebook page ng provincial government ng Quezon hinggil sa trahedya.

Ngayong may nakaamba na namang sama ng panahon, aba’y manatiling ligtas at updated, Quezonians!

323

Related posts

Leave a Comment