‘PROSTI DEN’ TALAMAK SA PASAY, PARANAQUE

(RONALD BULA)

PINANINDIGAN ng dalawang lungsod sa gawing timog ng National Capital Region (NCR) ang bagong titulo bilang Sin Cities kung saan garapalan ang operasyon ng mga bahay-aliwan na nagpapalabas ng mahahalay sa entablado at lantarang bentahan ng laman.

Sa nakalap na impormasyon ng SAKSI Ngayon mula sa isang religious organization, mistulang bingi ang lokal na pamahalaan at pulisya sa pambibiktima ng kababaihang kinakalakal bilang parausan.

Wala rin anilang tugon maski sa National Bureau of Investigation (NBI) nang isumbong ang pagdagsa ng mga dayuhan sa mga establisimyento sa kahabaan ng Airport Road, Quirino Avenue, Roxas Blvd. sa mga lungsod na sakop ng Pasay at sa mismong bisinidad ng Redemptorist Church sa Baclaran na sakop naman ng Parañaque.

Suspetsa pa ng grupo, protektado ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Southern Police District (SPD) ang operasyon ng mga prostitution den sa mga naturang lungsod.

Pinasaringan din ng grupo ang mga pamahalaang lungsod ng Pasay at Parañaque na naggawad ng business permits ng mga nasabing establisimyento.

“Papaanong mabubuwag ang mga bahay-aliwan na lantarang putahan sa Baclaran partikular na sa Quirino Avenue at Airport Road kung may lingguhang payola ang mga tiwaling opisyal ng  Southern Police District Office at sa Camp Crame,” pahayag pa nila, kasabay ng pakiusap na itago muna ang kanilang pagkakakilanlan at grupong kinabibilangan sa takot na bweltahan.

Sa isang bukod na panayam, isiniwalat naman ng isang dating kasador ng mga ilegalista sa southern Metro Manila na P50,000 kada buwan ang sinusuka ng bawat establisimyentong nagtatampok ng mga malaswang palabas, habang mas mataas umano ang lingguhang ganansyang tinatanggap ng mga tiwaling opisyal ng pulisya at NBI Anti-Human Trafficking Division mula sa operator ng mga prostitution den.

Kabilang sa mga binanggit na establisimyento ng impormante ang Jero, 798 KTV, White Bird, Alice Angel KTV bar, Boom Bar KTV, Dynasty, Apollo, Apeiro, The Bay Entertainment KTV, Studio 2 at iba pang ilang metro lang ang layo sa Baclaran Church.

(Editor’s Note: Bukas ang PAHAYAGANG SAKSI Ngayon sa panig ng mga nabanggit na establisimyento at maging sa PNP at NBI.)

446

Related posts

Leave a Comment