BACK to basic muna dapat ang pagtuturo sa mga estudyante ngayong halos kababalik pa lamang ng face-to-face classes matapos ang dalawang taong online at modular learning.
Sinabi ni Senador Sherwin Win Gatchalian na dapat tutukan sa learning competencies ang Reading at Mathematics kasunod na rin ng pag-aaral na 90 percent sa mga sampung taon gulang ang hindi marunong magbasa.
Iginiit ni Gatchalian na kung hindi marunong magbasa ang isang bata ay nangangahulugan na hindi rin siya marunong sa matematika.
Aminado rin ang senador na mahirap tugunan ang mga kasalukuyang problema ng bansa sa edukasyon lalo pa’t napakaraming pangangailangang dapat punan ng gobyerno.
Ipinaliwanag ng senador na hindi kakayanin ng isang taong budget lamang ang pagtugon sa mga problema sa sektor ng edukasyon.
Inihalimbawa ng mambabatas ang kakulangan sa classrooms na nangangailangan ng P430 Bilyon subalit sa ilalim ng proposed 2023 national budget ay P15 bilyon lamang ang kinayang alokasyon.
Tiniyak naman ng senador ang pagsusulong ng iba’t ibang panukala para maiangat ang kalidad ng pagkatuto sa bansa.(DANG SAMSON-GARCIA)
