BAWAL MAGTANONG

SABI ng salawikain: Bago sabihin, makapitong isipin. Sa kasabihang ito umiikot ang mga komento ng publiko sa pahayag ni Sen. Robin ­Padilla na maituturing na national threat ang pagtatanong kung nasaan ang ­pangulo ng bansa. Ito’y kasunod nang mag-trend ang ­#NasaanAngPangulo sa social media noong kasagsagan ng ­pananalasa ng bagyong Paeng.

Ayon kay Padilla, kasama niya si Pangulong Bongbong Marcos sa ­Cotabato noong panahon na iyon na kumakalat ang tanong na nasaan ang ­Pangulo. Sambit ito ni Padilla, chairman ng Committee on Public Information and Media, sa pagdinig ng Senado sa fake news.

Naturingang chair ng komite ng Public Information and Media, ngunit hindi naarok ang kahulugan at punto ng pag-usisa kung nasaan ang Pangulo.

Sa kasagsagan ng kalamidad, kagipitan at ibang kaganapan ay ­hinahanap ng publiko ang Pangulo dahil hinahanap nila ang pananagutan o responsibilidad ng isang lider para maging sandigan.

Kailan ba nalagay sa panganib ang bansa dahil sa pagtatanong ng ­kinaroroonan ng presidente. Bakit banta sa pambansang seguridad ang ­paghiling ng pananagutan at accountability mula sa mga nagsisilbi sa ­publiko? Ang pag-usisa sa lokasyon ng pangulo ay paghahabol ng ­accountability at ­transparency.

Lingkod bayan ang Pangulo kaya kahit kalagayan ng kanyang kalusugan ay ipinababatid sa madla.

Katapatan at responsibilidad ang hinihingi, hindi banta ang gustong ipamukha.

Dahil sa transparency, magkakaroon ng tiwala at seguridad ang mamamayan, kaya bakit hindi isapubliko ang kinaroroonan ng pangulo? Aantayin pang may magtanong, na ituturing namang national threat.

Mababaw o walang punto ang paniniwalang ito ni Padilla, na chairman pa naman ng Senate Committee on Constitutional Amendments.

Daming panganib na dapat tutukan: climate change, cyber attack, ilegal na droga, at iba pa na hindi nabibigyan ng planong solusyon.

Kaso nga lang, inuuna ang pabibo at nagmamagaling sa usapin na ­silakbo ng padalos-dalos na aksyon.

562

Related posts

Leave a Comment