NAGPAPASALO NG NHA HOUSING ‘DI MAKAKUKUHA NG TITULO

PUNA Ni JOEL AMONGO

TINIYAK ni National ­Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai na hindi makakukuha ng titulo ang mga awardee na nagpapasalo ng kanilang housing units.

Ito ang pagtitiyak ni GM Tai sa pagbisita niya kasama ng ilang taga-media sa Deparo Residences sa Deparo, Caloocan City kamakailan, na pabahay ng NHA sa mga naapektuhan ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr).

Sa pagtatanong ng mga taga-media kay GM Tai, kung ano ang kanyang gagawin sa mga awardee ng NHA ­housing units na nagpapaupa at nagpapasalo ng kanilang pabahay sa iba, sinabi nitong hindi sila makakukuha ng ­titulo ng kanilang mga ­housing unit mula sa tanggapan ng NHA.

Ayon pa sa kanya, rights lang ang ibinenta ng awardee sa ibang tao at hindi nila maaaring maipasa ang pagmamay-ari ng kanilang unit dahil bawal ito sa batas ng NHA.

Kaya ‘yung mga pumapatol sa mga nagpapasalo ay masasayang lang ang kanilang perang ibinayad dahil hindi naman awtorisado ng NHA ang kanilang transaksyon.

Nagbabala rin si GM Tai sa mga nagpapaupa ng kanilang NHA housing unit sa iba na maaaring bawiin ito sa kanila ng ahensya.

Binanggit din ng opisyal na may nahuli na silang nagpapasalo ng NHA housing unit sa Cavite.

Kaya du’n sa mga nagpapasalo ng kanilang ­housing unit ay malalaman din ng tanggapan ng NHA ang inyong ginagawang illegal na transaksyon.

At kapag nalaman ito ng NHA ay kaagad kayong babawian ng pabahay na ­in-award sa inyo.

Pero, teka GM Tai, kung talagang gusto n’yong malaman kung sino ang mga nagpapasalo ng kanilang NHA housing unit, tingnan n’yo sa social media, napakarami niyan lalo na sa Camarin at Bagong Silang pawang sa North Caloocan.

Dapat lang na sampulan n’yo ng parusa ang mga ‘yan dahil ‘pag hindi n’yo ginawa ‘yan ay tatawanan lang nila kayo.

‘Pag hindi n’yo hinigpitan ang mga ‘yan ay mamimihasa lang sila, magiging paulit-ulit na lang ‘yan at gagayahin pa sila ng iba na nakakuha ng NHA housing unit.

Kung gusto n’yong magtagumpay ang proyekto ng gobyerno sa pabahay ay i-monitor n’yo ang mga nakakuha ng NHA housing units.

Mas maganda n’yan ay ipakulong n’yo ang mga nagpapasalo at ipakita sa kanila na pursigido kayo sa iyong sinasabi na bawal ang kanilang ginagawa.

Habang nakikita nilang maluwag kayo, hindi sila titigil sa kanilang ginagawang pagpapasalo ng kanilang mga housing unit.

Kung papansinin n’yo sa mga post sa social media na mga nagpapasalo ng kanilang NHA housing unit sa North Caloocan ay may ginagamit pa silang mga ahente.

Ang presyuhan nila ng kanilang NHA Housing unit ay P300K hanggang P500K.

Kung may kulang pa na bayarin sa housing unit ay bahala na ang sumalo na magbayad sa tanggapan ng NHA.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

445

Related posts

Leave a Comment