WALANG balak tantanan ng kinatawan ng Gabriela party-list sa Kamara ang spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Apollo Carreon Quiboloy na tinawag niyang “fake news peddler”.
Ito ay hangga’t hindi umano inaaksyunan ng gobyerno ang kaso ni Quiboloy sa Estados Unidos at hindi paghabol sa mga trolls.
Sa press conference kahapon, nagpahayag ng pagkadismaya si Rep. Arlene Brosas, dahil wala aniyang senyales na kumikilos ang Department of Justice (DOJ) para imbestigahan ang mga kinasasangkutang kaso ng founder at pastor ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), The Name Above Every Name.
Bukod dito, wala rin umanong ginagawa ang DOJ at iba pang ahensya ng gobyerno para habulin ang mga trolls habang hindi naman tumitigil ang mga ito sa paghabol sa mga lehitimong mamamahayag.
“Pinag-iinitan ang mga mamamahayag habang ang mga fake news peddlers tulad ni Quiboloy ay tuloy-tuloy sa pagkakalat ng disinformation,” ani Brosas.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos masentensyahan sa kasong cyber libel ang Baguio-based journalist na si Frank Cimatu.
Nag-ugat ang kaso ni Cimuta sa kanyang Facebook post laban kay dating Agriculture Secretary Manny Piñol.
“Habang ang pamahalaan ay abala sa pagtugis sa mga mamamahayag, ang mga online trolls ay malayang nagpapalaganap ng fake news at disinformation sa social media,” ani Brosas.
Hindi rin matanggap ng lady solon na hanggang konsultasyon sa legal team ang ginagawa ng DOJ gayung matagal na umano ang mga kasong isinampa ng Federal Bureau of Investigation (FBI) tulad ng rape at sex trafficking, laban kay Quiboloy na naging dahilan para isama ito sa kanilang ‘most wanted list” at i-freeze ang ari-arian nito sa Amerika.
“Ang sabi ng DOJ, they will consult with their legal team. But the pile of allegations against Quiboloy has been ongoing for years, how come they are still undecided on what to do with an international fugitive?,” tanong pa ni Brosas. (BERNARD TAGUINOD)
192