INUTOS ng International Boxing Federation (IBF) ang mandatory title defense ni Argentine junior bantamweight champion Fernando ‘Puma’ Martinez kay Filipino top contender Jade Bornea.
Binigyan ng hanggang Disyembre 29 ang magkabilang panig – – si Martinez na kinakatawan ni Sean Gibbons ng MP Promotions at Harrison Whitman ng Probellum naman kay Bornea —para sa negosasyon kung magkano ang premyo, venue at iba pa.
Kung mabibigong magkasundo, idaraan ito sa purse bid hearing.
Si Martinez (15-0, 8KOs) ang tumalo at umagaw ng IBF crown kay Filipino Jerwin Ancajas noong Pebrero 26 (2022) sa Las Vegas via unanimous decision.
Muling nagsagupa sina Martinez at Ancajas at gaya sa unang pagkikita, dinomina ng Argentine fighter si Ancajas at tuluyang pinutol ang nine-straight defense at 21-fight winning streak ng Pinoy.
Ibinigay sa 27-anyos na si Bornea ang No. 1 position sa IBF 115-lb rankings kasunod ng third round knockout win kay Mohammed Obbadi noon pang Enero sa Monterrey, Mexico.
Ngunit hindi agad siya napalaban sa Martinez-Ancajas 1 winner dahil isinagawa ang rematch noong Oktubre.
Muli namang nagtala ng knockout win si Bornero noong Agosto laban kay Ivan Meneses sa Mexico at manatiling hawak ang top spot bilang contender ni Martinez.
Bunga ng atas ng IBF, maiisantabi muna ang planong unification bout ni Martinez laban sa mahuhusay na kampeon ng WBC (Juan Francisco Estrada), WBA (Joshua Franco) at WBO (Kazuto Ioka). (VT ROMANO)
