BATAS KONTRA PANGGULO

PUNA Ni JOEL AMONGO

PARA sa isang demokratikong bansa, malaking bentahe ang halalan. Dangan naman kasi sa halalan naririnig ang sentimyento ng mas nakararami. Walang kinikilalang estado sa buhay – basta Pilipino, nasa hustong gulang at rehistrado, pwedeng bumoto.

Subalit sa nakalipas na mga panahon, mistulang binaboy ang haliging patunay ng malusog na demokrasya. Ang mga karapat-dapat ay natatalo bunsod ng kawalan ng sapat na perang pantustos sa kampanya o ‘di naman kaya’y dahil sa maruming pulitika.

Kaya naman ang solusyon –isang batas para sa mas maagang paghahain ng Certificate of Candidacy sa mga naghahangad ng pwesto sa gobyerno.

Bakit kailangan mas maaga ang filing ng COC? Para may sapat na panahon (at walang extension) ang Commission on Elections (Comelec) na suriin ang mga aspirante. Karaniwan na kasi ang pagsali ng mga panggulo – nuisance candidates ang tawag ng Comelec dito.

Tulad na lang ang kinahinatnan ni Zamboanga Rep. Romeo Jalosjos Jr. na wagi sa opisyal na resulta ng bilangan pero hindi pinayagang umupo bilang kinatawan ng distritong kanyang kinalakihan.

Ang puno’t dulo ng aberyang nag-iwan sa Zamboanga 1st congressional district na walang kinatawan sa Kamara – isang ‘panggulo’ sa pangalang Frederico Jalosjos na pinaniniwalaang pakawala ng kabilang kampo.

Ang totoo, hindi na bago ang pagsosoga ng mga ka-apelyido ng kalabang politiko – para sa mga pwesto sa lokal o nasyonal, meron niyan. Katunayan maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nang maghain ng kandidatura noong Oktubre ng taong 2021, may ka-apelyidong tulad niya ang target na masungkit ang trono sa Palasyo.

Dahil walang kinatawan sa Kamara, ang mga taga-Zamboanga ngayon ay pawang nganga na muna dahil sa direktiba ng Korte Suprema.

Kung meron lang sanang batas na nagbibigay lang ng 45 araw sa Comelec para resolbahin ang gusot na dulot ng nuisance candidates, hindi na sana aabot pa sa ganitong tagpo ang mga residenteng wala pang kinatawan hanggang ngayon sa ating Kongreso.

Sa ganang akin, hindi na dapat pang masama sa balota ang pangalan ng nuisance candidates na ang diskarte lang naman at maka-collect.

Kung wala na ang pangalan ng mga ‘panggulo’ sa balota, hindi na malilito ang mga botante. At syempre pa, mananaig ang totoong kursunada ng mga tao – at hindi ang estilong bulok ng mga talunan na gumastos nang husto para makumbinsi ang ka-apelyido ng kalaban na maghain din ng kandidatura.

oOo

Para sa suhestiyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

244

Related posts

Leave a Comment