SINAYANG LANG

DPA Ni Bernard taguinod

ISA sa mga kinaiinisan ng mga tao noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay ang pagsira sa mga waiting shed sa pangunahing mga lansangan sa buong bansa.

Ang isa sa pangunahing problema noong panahon ni Digong habang si Eduardo Año ang Secretary ng Interior and Local Government, ay ang masisikip na kalsada sa Metro Manila.

Kinopya nila noon ang pakitang gilas ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa paglilinis sa mga lansangan sa kanyang lungsod. Inalis ang nakahambalang na mga istruktura sa mga kalsada sa Lungsod ng Maynila kasama na ang mga itinayo ng mga barangay official.

Na-impress si Digong at ang DILG sa ginawa ni Isko kaya inutos sa lahat ng mga local government unit (LGU) sa buong bansa, na alisin ang lahat ng mga istraktura sa gilid ng kalsada sa kanilang mga nasasakupan.

Walang nagawa ang mga mayor kundi sumunod kaya ‘yung mga waiting shed ay pinagbabakbak nila at ginawang panambak na lang dahil kung hindi sila susunod ay kakasuhan daw sila.

Palagay ko naging over-acting ang DILG dahil maging ang mga LGU sa mga probinsya ay idinamay nila sa paglilinis at pagpapaluwag ng mga kalsada sa Metro Manila.

Ang luluwag ng mga kalsada sa mga bayan hindi katulad sa Metro Manila na iniskuwatan ng mga tao at barangay officials, pero kasama sila sa inutusan na linisin ang mga lansangan.

Dahil wala naman lilinisin kung tutuusin, ang mga waiting shed ang kanilang pinagdiskitahan kaya biglang nawala ang mga istrakturang ito na malaking tulong sa mga tao.

Ginagamit ang waiting shed para silungan ng mga tao habang naghihintay ng masasakyan kapag mainit ang panahon o kaya kapag umuulan kaya malaking tulong sana.

Sa waiting shed din napapatatag ang samahan ng mga tao dahil dito sila nagsama-sama, nagkukuwentuhan, nagpapalitan ng kuro-kuro at tambayan din ng mga Marites.

Ngayon wala na dahil masyadong OA ang nakaraang administrasyon pero ang masaklap sa lahat, sinayang ang pondo ng bayan dahil lang sa kagustuhang magpakitang gilas ang ilan.

Galing sa buwis ng bayan ang ipinagpatayo sa mga waiting shed at hindi biro ang halagang ginamit sa mga iyan pero hindi nanghinayang ang nakaraang administrasyon.

Sana hindi idinamay ng DILG ang mga probinsya sa paglilinis sa masisikip na kalsada sa Metro Manila dahil hindi naman sagabal ang mga istrakturang ito pero wala eh, masyado silang OA.

Ngayon, may plano ba ulit ang gobyerno na magtayo ng mga waiting shed na mahalaga sa mga tao sa mga probinsya? Mukhang wala na kaya nagtitiis na lang kayo na gitna ng ulan at mainit na panahon.

167

Related posts

Leave a Comment